196 total views
Hindi na kinakailangan ang pagsusuot ng face shield sa Lungsod ng Maynila maliban na lamang sa mga ospital at iba pang medical facilities sa syudad mula ngayong ika-8 ng Nobyembre, 2021.
Ito ang nilalaman ng nilagdaang Executive Order No. 42 ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nagdedeklara ng ‘non-mandatory wearing of face shield’ sa lungsod ng Maynila.
Nasasaad sa nasabing kautusan na tanging sa mga ospital, medical clinics at iba pang pasilidad pangkalusugan na lamang kinakailangan na magsuot ng face shield.
“By the powers vested in me by law do hereby order that, pending the review of the Sangguniang Panlungsod of the city ordinance on the matter, the wearing of face shields in the City of Manila is non-mandatory except in hospital setting, medical clinics and other medical facilities which shall remain to be mandatory,” pahayag ni mayor Isko.
Ang naturang desisyon ng alkalde ay kasunod na rin ng pagbababa ng Inter-Agency Task Force for Managing Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) sa Level 2 Alert Status sa Metro Manila.
Bukod dito tinukoy rin ni Moreno ang mga pahayag ni Interior Secretary Eduardo Ano na pagpabor ng karamihan sa mga miyembro ng IATF sa pag-aalis ng pagsusuot ng face shield sa mga ipinatutupad na minimum health protocols.
Una ng iginiit ng alkalde ng Maynila na sa halip na mga face shield ay mas dapat na paglaanan ng pondo ng bayan ang pagbili ng mga gamot tulad ng Remdesivir at Tocilizumab na mas makatutulong para sa mga pasyente.
“Kung bumili ka ng 1,000 na Tocilizumab at P25,000 that is only P25 Million. Kapag bumili ka ng 10,000 na Tocilizumab at Remdisivir wala ka pang 200 Million na yakap mo pa buong Pilipinas. So ako payo ko talaga sa kanila wag face shield ang bilhin ninyo,” Ang bahagi ng panawaga ni Moreno.
Samantala patuloy naman ang panawagan ng mga opisyal ng Simbahan sa publiko upang sumunod sa mga ipinatutupad na alituntunin ng mga eksperto at mga opisyal ng pamahalaan kaugnay sa mga paraan ng pag-iingat mula sa patuloy na banta ng COVID-19 pandemic