283 total views
Bawat karanasan ng tao ay isang pakikipagtagpo kay Hesus.
Ito ang binigyang diin ni Diocese of Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud, SSS sa pagdiriwang ng ika-400 taon ng pagkakatatag ng Parokya ng Santa Cruz sa Maynila.
Sa pagninilay ng Obispo sa banal na misa, inihayag nitong ang mga karanasan ang bumubuo sa kung ano ang simbahan ng Santa Cruz, 400 taon na ang nakalilipas.
Ayon sa Obispo, bagamat hindi lahat ng karanasang ito ay mabubuti, patuloy naman itong nagbibigay ng mga aral sa bawat mananampalataya.
Inihayag pa ni Bishop Bancud na sa kabila ng hindi magagandang karanasan ay mahalagang ituon ng mga mananampalataya ang kanilang puso at isip sa tunay na selebrasyon at ito ay ang pagbibgay ng papuri at pasasalamat sa Panginoon.
“Each experience whatever they may be are always experience with Jesus Focus on what we are celebrating, for theres one thing and no one that can stop us from rejoicing and thanking the Lord. Tayo ngayon na nagkakatipon ay totoong kumikilala sa biyayang kaloob ng ating Panginoon. Biyaya na kung saan pagkalipas ng 400 taon mula nang itinatag ang simbahang ito, ang bawat siglo maraming kwento, ang bawat isa sa atin ay may kanikaniyang kwento, kung bakit tayo ay naririto nakiisa sa ganitong uri ng pagdiriwang,” Bahagi ng pagninilay ni Bishop Bancud.
Dagdag pa ng Obispo, sa pagdiriwang ng ika-400 taon ng simbahan mahalagang balikan ang mga ugnayan ng buhay, pamilya, kapaligiran, pamayanan at ng simbahan.
Naniniwala si Bishop Bancud na ang lahat ng mga ito ang bumubuo sa karanasan ng bawat isa sa simbahan, at ito rin ang pagkakakilanlan na patuloy na bubuo sa parokya ng Sta. Cruz.
“Balikan natin ang ating ugnayan sa buhay, pamilya, kapaligiran, pamayanan, at simbahan. Ang bawat bagay na ito ang bumubuo ng ating karanasan sa simbahan. Ito ay bubuo sa ating papurit pasasalamat sa 400 na taon ng simbahang ito,” pahayag pa ni Bishop Bancud.
Sinabi pa ng Obispo na hindi lamang ang mga mananampalatayang nagsisimba at naglilingkod ang bumubuo sa simbahan kundi ang bawat tao na naging bahagi ng kasaysayan ng Sta. Cruz.
Hinamon ni Bishop Bancud na sa pagpapatuloy ng buhay ng simbahan ng Sta. Cruz nawa ay mailapit nito sa Panginoon ang mga naisasantabi sa lipunan.
Ayon pa sa Obispo, ”Lahat tayo’y bahagi ng simbahan, na kilala natin na tayoy pinagpala ng Diyos, Wag mong kalilimutan ang mga nandoon sa tabi-tabi, ilapit natin sila sa Diyos.”
Ika-20 ng Hunyo taong 1619 nang maitatag ang parokya ng Sta. Cruz Maynila. Bago pa man ito, ang Sta. Cruz ay nasa ilalim ng Parokya ng Quiapo.
Sa pamumuno ni Fr. Gregorio Catena, Parish Priest ng Quiapo at sa pinagtibay na dokumento ng Archbishop of Arce ay nailipat sa pangangalaga ng mga Heswita ang Sta. Cruz Church.
Taong 2017 naman nang gawaran ng Canonical Coronation ang imahe ng Birhen ng Del Pilar, at kasunod nito taong 2018 ay hinirang ang simbahan bilang Archdiocesan Shrine of the Blessed Sacrament.