650 total views
Pinangunahan ni Archdiocese of Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ang paggunita sa ika-140 Kapistahan ng Divino Rostro o Holy Face of Jesus.
Ayon sa Arsobispo, ang kapistahan ay isang paanyaya sa bawat isa na muling alalahanin ang wagas na pag-ibig at pangakong kaligtasan ng Diyos sa sangkatauhan.
Pagbabahagi ni Archbishop Tirona, hindi matatawaran ang pag-ibig ng Diyos para sa lahat na ipinag-adya ang kanyang bugtong na anak na si Hesus upang isakatuparan ang kanyang pangakong kaligtasan at buhay na walang hanggan.
Paliwanag ng Arsobispo, ang pagkakatawang tao ni Hesus na nabuhay tulad ng bawat isa maliban na lamang sa pagkakaroon ng kasalanan, nagpakasakit at namatay sa Krus ay isang patunay sa pambihirang pag-ibig ng Panginoon sa sangkatauhan upang mailigtas mula sa apoy ng kasalanan.
“What we are celebrating today is a celebration of memory, it is a celebration with which we recall, we reflect on what led to our salvation… Reminds us how much God loves us to the point of giving us his Son, his Son who will be like us in all things except sin, this Son who will teach us, journey with us, suffer for us, and eventually lead us to salvation. In the drama of the passion and death and resurrection of Jesus behold his mother.” Ang bahagi ng pagninilay ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona.
Nawa ayon sa Arsobispo ay makita ng bawat isa ang katotohanan sa mukha ni Hesus na sa kabila ng mga pasa, dugo at marka ng pagpapakasakit ay puno naman ng pag-ibig ang mga mata na nagmumula sa habag, awa at pag-ibig ng Panginoon para sa sangkatauhan.
“Let us see the truth in the face of Jesus, ano pa? Reflecting on the face of Jesus, we see the face of the merciful and compassionate God… That face which is bruised, wounded, rejected, spot on with eyes open is a gaze to us that says ‘come to me all you who labor’… God’s face in Jesus is the face of mercy, kindness and forgiveness.” Dagdag pa ni Archbishop Tirona.
Tema ng Kapistahan ng Divino Rostro o Holy Face of Jesus ang “Walking together in the light of the Holy Face of Jesus” na matapos ang dalawang taon mula ng COVID-19 pandemic ay muling nakapagsagawa ng prusisyon ang mga mananampalataya ng Divino Rostro at ng Nuestra Señora de Peñafrancia mula Peñafrancia Basilica hanggang Peñafrancia Parish kung saan naganap ang banal na misa.
Kasabay ng ika-140 Kapistahan ng Divino Rostro o Holy Face of Jesus ay magsisimula naman ang Novenario para sa 312th Solemnity of Our Lady of Peñafrancia na may tema ngayong taon na “Mary accompanies us in our journey towards a Synodal church”.