21,618 total views
Naniniwala ang founder ng ‘Project Paghilom’ na si Fr. Flavie Villanueva, SVD na ang paglaya ni dating senator Leila de Lima ay isang katunayan na hindi kailanman maitatago ang katotohanan.
“Para doon sa mga nagpakulong sa kaniya ay ang mensahe kong personal— ay ang katotohanan hindi kailanman matatago at ito ang paglaya ni Leila ay isang katotohanan na kayo ay nagsisinungaling kaya kayo naman ang dapat mahatulan, at hatulan ng tama ng korte ng katotohanan,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Father Villanueva.
Si Fr. Villanueva ay ang founder ng Project Paghilom ng Arnold Jannsen Kalinga Foundation-isang institusyon na itinatag para sa mga biktima ng marahas na ‘War on Drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte at kilalang tagasuporta ni De Lima.
Ipinahayag din ng pari ang paghanga sa dating mambabatas na sa kabila ng pagdurusa ng mahabang panahon sa loob ng piitan.
Giit pa ni Fr. Villanueva, hindi rin nahinto si De Lima sa paglilingkod bilang mambabatas habang nasa kulungan.
Si De Lima ay nahalal bilang Senador simula 2016-2022, bagama’t nasa loob ng kulungan ilang buwan makaraan manalo sa halalan.
“Kapag ang tao ay malaya kahit ikulong mo ang katawan, ang kaniyang puso at isipan ay patuloy na mamamayagpag at lalago at by that I mean she never was idle, she never stopped, actually if there were occassion na she was, sabihin nating distraught, I can only think of three, first is yung hindi siya pinapunta sa kaniyang nanay, pangalawa yung kaniyang anak at pangatlo yung so called failed bail,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Villanueva.
Naniniwala din si Fr.Villanueva na nakatulong ang pananampalataya ng dating senador upang manatiling matatag sa kabila ng pagkakakulong sa loob ng pitong taon.
“So the integrity that she possesed was rooted in faith, the shepherd of the church had some little contribution to her spiritual growth and strenghth,” ayon pa sa pari.
November 13 ng makalaya si De Lima makaraan maglagak ng piyansa sa halagang P300,000 sa Muntinlupa Regional Trial Court. kasama niyang akusado na sina former Bureau of Corrections chief Franklin Bucayu, dating driver-body guard Ronnie Dayan, police asset Jose Adrian Dera at security aide Jonnel Sanchez.
2017 ng kasuhan at maaresto si De Lima sa mga paratang na may kaugnayan sa ilegal na droga.