40,268 total views
Bagama’t umabot ng higit sa dalawang libong araw na pagkakakulong ni dating Senator Leila de Lima, kumpiyansa ang ilang mambabatas sa pagsisimula ng pagkamit ng katarungan mula sa maling paratang ng dating administrasyong Duterte.
Ito ayon kina Albay 1st District Representative Edcel Lagman, Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel at House Deputy Minority Leader, Basilan Lone District Representative Mujiv Hataman ay kaugnay sa pagpapahintulot ng hukuman na makapagpiyansa si De Lima para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Si de Lima ay pitong taong napiit sa kulungan simula February 2017 dahil sa mga paratang na may kaugnayan sa illegal na droga.
“Although justice delayed is justice denied, justice finally secured is still justice redeemed,” ayon kay Lagman.
Ayon pa kay Lagman, “I also salute her supreme sacrifice and steadfast advocacy for all the victims of injustice and oppression, and also for Filipinos whose freedoms are trampled on by the brokers of power.”
Binigyang pagkilala rin ni Lagman ang naging sakripisyo ng dating mambabatas na makulong ng mahabang panahon upang ipaglaban ang katarungan maging sa iba pang biktima ng kawalang katarungan, paniniil at war against drugs ng nakalipas na administrasyon.
Nawa ayon naman kay Basilan Representative Mujiv Hataman na sa pansamantalang paglaya ni Sen. Leila mula sa pagkakapiit ay magkaroon na ng liwanag ang katotohanan sa likod ng mga pangyayari upang hindi na maulit lalo na sa mga karaniwang tao.
“Kung nangyari ito sa tulad niyang senador, paano pa kaya sa karaniwang tao?,”ayon kay Hataman.
Dagdag pa ng mambabatas mula sa Mindanao, “Huwag nating kalimutan ang mga prinsipyong dapat nating tinitindigan – katarungan at karapatang pantao. Let us reflect on the importance of upholding human rights and the rule of law.”
Sa panig ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel, hindi dapat matapos sa kaso ni De Lima ang paghahangad ng katarungan kundi maging sa iba pang mga biktima ng pang-aabuso sa kapangyarihan.
Hamon naman ng mambabatas kay Justice Secretary Crispin Remulla ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa sinasabing pagkakasangkot ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na libo-libong katao ang napaslang sa inilunsad na drug war sa ilalim ng pamamahala ng kanyang administrasyon.
“Clearly, Sen. De Lima’s case should not be the only one reviewed. We laud the court’s decision to allow Sen. De Lima bail and hopefully, this would lead to the fast-tracking of processing of cases of the thousands more who were victims of the War on Drugs. This also reaffirms the need for the ICC to enter the country and investigate Rodrigo Duterte and his officials who implemented the drug war,” ayon kay Manuel.