404 total views
Inaanyayahan ni Filipino priest Fr. Troy Delos Santos, OFM Cap. ang mananampalatayang Filipino sa Middle East na makiisa sa pagtatapos ng year-long celebration ng 500 Years of Christianity.
Sinabi ng pari na mahalagang magkaisa ang mga Filipino community sa pasasalamat sa biyaya ng pananampalataya na naghubog at naglapit ng tao sa Panginoon makalipas ang limang sentenaryo.
“Tayong mga Katolikong Pinoy dito sa Abu Dhabi ay nakiisa sa lahat ng mga Katolikong Pilipino sa buong mundo sa pagdiriwang simula April 16,l 2021 sa gitna ng pandemyang atin pa ring pinadadaanan; Sama-sama tayong makibahagi at magdiwang sa pagpapalang ito ng biyaya ng pananampalatayang Kristiyano,” mensahe ni Fr. Delos Santos sa Radio Veritas.
Ayon pa sa Vicar General ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia (AVOSA) magandang bunga ng kristiyanismo sa Pilipinas ang paglaganap ng mga misyonerong Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng daigdig tulad ng Middle East na minorya ang kristiyanismo.
Bilang pasasalamat ng mga Overseas Filipinos sa kaloob na pananampalataya magdiriwang ng banal na misa ang Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi na pangungunahan ni Fr. Delos Santos sa April 24, ganap na 12 ng tanghali kasabay ng pagdiriwang sa Kapistahan ng Divine Mercy sa St. Joseph Cathedral.
Nakiisa at pinuri naman ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang mga OFW na patuloy isinasabuhay ang kristiyanismo sa mga bansang kinaroroonan.
Ikinatuwa ng nuncio ang malalim na pananampalataya ng mga Filipino na nagpapatunay nang paglago ng kristiyanismo tulad ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria, sa Santo Niño at ang pagsasagawa ng Simbang Gabi.
Hamon ni Archbishop Brown sa Filipino catholics sa buong mundo na patuloy ihayag ang misyon ng simbahan at dalhin si Kristo sa bawat komunidad na kinabibilangan.
“As Filipinos living abroad it’s your task to carry this vision forward by living faithfully the gift your catholic faith and participating in the life of your parish community; may this closing celebration help you to recognize ever more profoundly how you have been gifted to give,” ani Archbishop Brown.