400 total views
Homiliya Para sa Huwebes sa Ika-27 Linggo ng Karaniwang Panahon, 06 Oktubre 2022, Luk 11:5-13
Isang eksena sa pelikulang Tanging Yaman ang bumalik sa isip ko habang binabasa ko ang ebanghelyo natin ngayon. Iyung eksena tungkol sa pag-uusap sa loob ng simbahan nina Gloria Romero, na gumanap bilang lola, at ni Shaina Magdayao, na gumanap bilang apo.
Nagmamasid pala ang bata sa mga nagdadasal sa simbahan—may paluhod na lumalakad patungong altar habang nagrorosaryo, nagdarasal para sa anak niyang addict. May isang amang nakatingala at mukhang problemado sa hanapbuhay, may dalagitang nabuntis sa pagkadalaga at umiiyak dahil hindi alam ang sasabihin sa parents niya. May babaeng nasa may pintuan at parang nahihiyang pumasok dahil nakikiapid sa isang may-asawa.
Tinanong ng bata ang lola niya:
“Lola, hindi ho ba siya nalilito?”
“Hmm, sino?” (Sabi ng lola.)
“Ang Diyos po.” (Sagot ng apo.)
“Nalilito saan?” (Tanong ng matanda.)
“Pag sabay-sabay pong nagdarasal ang mga tao, tapos iba-iba pa po ang hinihingi natin. Lahat po ba tayo naririnig niya?” (Tanong ulit ng bata.)
Hinarap ng lola ang apo at nakangiti niyang sinabi:
“Kahit iyung hindi binibigkas ng ating bibig, at iyung lihim na idinadaing ng ating mga puso naririnig din niya iyon. Kunwari, ikaw, alam ko paglabas natin dito sa simbahan mamaya… gusto mo, ibili kita ng lobo?”
Surprised ang bata, excited na sinabi, “Po? Pano po ninyo nalaman?”
Sagot ni lola: “Kasi mahal kita e. Kahit hindi mo sabihin sa akin, alam ko kung ano ang nakapagpapasaya sa iyo. Ganyan din ang Diyos, alam niya kung ano ang nakapagpapasaya sa atin dahil mahal niya tayo.”
Ngingiti si apo, follow-up question siya ulit:
“Kahit ano pong hingin ko sa kanya ibibigay niya sa akin?”
Serious face si lola. Sabi niya, “Kung ito ay makakabuti sa iyo. Pero kung hindi, bakit niya ibibigay? Alam mo, kung minsan dahil sobra tayong apurado, akala natin binabalewala niya tayo. Pero ang totoo naghihintay lang siya ng tamang panahon.”
May kakulitan ang bata, pero pinakinggan siya at sinagot ng lola niya. Parang tayo rin sa harapan ng Diyos, sabi ni Hesus sa ebanghelyo. Pwede natin siyang kulitin, pwedeng maglambing sa kanya, ok lang, kasi mahal niya tayo. Alam niya ang hinihiling natin bago pa natin sabihin sa kanya.
Minsan, tulad ni St. Paul sa unang pagbasa, sasagot siya pero masakit ang salita niya. Pati ang galit niya ay hindi pagkamuhi ang pinanggagalingan kundi malasakit. Parang galit ng magulang sa anak kapag matigas ang ulo, kapag pasaway ang dating o ayaw makinig o hindi mapagsabihan. Ibang klaseng galit iyon. Pinagagalitan ka dahil minamahal ka.
Minsan naman, tahimik lang siya. Parang ibig tuloy nating magtampo dahil akala natin wala siyang pakialam sa pinagdaraanan natin. Iyun pala, naghihintay lang siya ng tamang panahon.