929 total views
Mga Kapanalig, sinasabing likas na masayahin tayong mga Pilipino. Kahit daw sa harap ng pagsubok sa buhay, nagagawa raw nating ngumiti at makahanap nang makapagpapatawá sa atin.
At hindi naman taliwas dito ang resulta ng survey na isinagawa ng grupong Gallup International mula Oktubre hanggang Disyembre ng 2017. Pangatlo tayo sa 55 bansa pagdating sa pagiging masaya. Tayo raw ang “third-happiest country”, kasunod ng Fiji at Colombia. Ikinatuwa ng administrasyong Duterte ang resulta ng survey ng Gallup, at sinabing titiyakin nitong magiging batayan ng kasayahan ng mga Pilipino ang mas matatag na ekonomiya, mas maayos na pamamalakad ng pamahalaan, at kapayapaan at katarungan sa ating bayan.
Ngunit kung susuriin ang mga bagay na nagpapabagu-bago sa pagiging masaya ng mga tao, sinabi ng Gallup International na hindi masyadong malaki ang impluwensya ng lokasyon o bansang tinitirahan nila. Sa madaling salita, hindi porke’t nasa Pilipinas tayo ay masaya na tayo, o kung nasa ibang bansa tayo ay malungkot na tayo. Mas malaki raw ang impluwensya sa ating pagiging masaya o malungkot ang ating edad at katayuan sa buhay. Sa 55 bansang kasama sa survey, mas marami ang mga masaya sa mga natanong na 33 taóng gulang pababa, kumpara sa mga nasa edad 55 pataas. Mas marami rin sa mga kumikita nang mas malaki ang nagsabing masaya sila, kumpara sa mga taong hindi kalakihan ang kinikita. Kung batay naman sa naabot sa pag-aaral, ang mga nagsabing masaya sila ay mas marami sa grupo ng mga nakapagtapos ng kolehiyo, at kaunti lamang sa grupo ng mga nakatuntong hanggang elementarya.
Isang aspeto lamang ng pagiging masaya ang nalalaman natin batay sa damdamin ng mga tao, kaya’t mahalagang tingnan din ang ibang pagsukat ng pagiging masaya ng mga tao. Gaya na lamang ng World Happiness Index na hinango sa karanasan ng bansang Bhutan kung saan mas binibigyan ng bigat ang tinatawag na gross national happiness, na batay naman sa kalidad ng buhay o well-being ng mga tao. At lumitaw sa 2017 World Happiness Report na malayo tayo sa nakamit nating puwesto sa survey ng Gallup International; pang-72 tayo sa ranking ng mga pinakamasasayang bansa kung pagsasama-samahin ang maraming bagay tulad ng ekonomiya, suportang natatanggap sa ating kapwa o social support, kalusugan habang tumatanda, kalayaang magpasya, pagiging mapagbigay ng mga tao o generosity, at kawalan ng katiwalian sa pamahalaan.
Ikaw, Kapanalig, saan ka humuhugot ng iyong kasayahan?
Para kay Pope Francis, hindi nabibili ang kasayahan. “Happiness can’t be bought,” paalala niya sa isang pahayag noong 2014. Kapag binibili raw natin ang kasayahan, natatanto na lamang nating mabilis iyong nawawala. Ang kasayahang binibili natin ay hindi nagtatagal. Ang kasayahang nagtatagal, sabi ng Santo Papa, ay ang kasayahan ng pag-ibig, the happiness of love.
Iniisip mo marahil, Kapanalig, na mahirap ang iminumungkahi ni Pope Francis. Ngunit gaya ng sinabi niya, “simple lamang ang daan tungo sa pag-ibig: mahalin natin ang Panginoon at mahalin natin ang ating kapwa, mahalin natin ang malalapít sa atin at ang mga nangangailangan ng pagmamahal.” Paano naman daw natin malalamang iniibig natin ang Diyos? “Iniibig natin ang Diyos kung minamahal natin ang ating kapwa, kung walang poot sa ating mga puso.” At ang pinakamabuting halimbawa ay si Hesus, na siyang bukal ng ating kasayahan, ayon nga sa Catholic social teaching na Veritatis Splendor.
Mga Kapanalig, ang tunay na kasayahan para sa ating mga Katoliko ay hindi lamang nakabatay sa ating edad o kalagayan sa buhay. Lampas din ito sa mga materyal na bagay mula sa ating mga trabaho, sa lagay ng ating kalusugan, o sa serbisyong ibinibigay ng pamahalaan. Sa huli, ang mga tunay na masaya ay iyong mga nakikita ang Diyos sa kanilang kapwa.
Sumainyo ang katotohanan.