347 total views
Mga Kapanalig, namatay noong Biyernes, Mayo 11, ang demokrasya sa Pilipinas.
Ganito inilarawan ng marami ang nangyaring pagpapatalsik kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng kapwa niya mahistrado sa Korte Suprema. Walong mahistrado ang pinagbigyan ang quo warranto petition na kumuwestyon sa pagkakatalaga kay CJ Sereno. Hindi raw kuwalipikado si CJ Sereno na maging punong mahistrado dahil hindi raw kumpleto ang kaniyang statement of assets, liabilities, and net worth o SALN. Matatandaang lima sa walong mahistrado ang dumalo sa ginawang pagdinig sa Kongreso bilang tugon sa isang impeachment complaint. Kaya naman, marami ang nagsasabing hindi patas at hindi katanggap-tanggap ang naging pasya ng Korte Suprema dahil hindi nag-inhibit o bumoto pa rin ang mga hukom na may personal na isyu at sama ng loob kay CJ Sereno.
Mahalagang makita rin ang “kuwento” sa likod ng bilang ng boto. Sa walong pumabor na patalsikin si CJ Sereno, apat ay itinalaga o in-appoint ni Pangulong Duterte. At hindi katakataka kung kikiling ang mga ito sa mga nais mangyari ng taong naglagay sa kanila sa posisyon. At ang taong nagtalaga sa kanila, si Pangulong Duterte, ay hindi kailanman naging bukás sa mga naging puna ni CJ Sereno sa mga patakaran ng administrasyon katulad ng marahas na giyera kontra droga. Itinalaga naman ni dating Pangulong Arroyo, na kaalyado ngayon ng pangulo, ang tatlong bumoto pabor sa quo warranto petition.
Higit sa naging epekto nito kay CJ Sereno, ang nangyaring pagpapatalsik sa punong mahistrado sa isang paraang hindi nakasaad sa Saligang Batas ay nagpakita kung gaano kahina ang ating mga institusyon laban sa pamumulitika. Sa isang ideyal na sitwasyon, magkakahiwalay, magkakapantay, at malaya o independyente ang tatlong sangay ng pamahalaan—ang ehekutibo, na pinangungunahan ng pangulo; ang lehislatura, na pinamumunuan ng House Speaker at Senate President; at ang hudikatura, na nasa ilalim naman ng isang Chief Justice. Sa ilalim ng ating Konstitusyon, may mandato ang bawat sangay na bantayan ang ginagawa ng iba upang wala sa kanilang aabuso sa kapangyarihan. Checks and balances ang tawag sa mekanismong ito.
Ngunit kung nagagawa ng isang sangay na maging mas makapangyarihan sa iba at kung nakokontrol nito ang pagpapasya ng ibang sangay, nawawalan ng saysay ang checks and balances. At kapag wala nang checks and balances, kapag ang gusto lamang ng isang tao ang mananaig at iisang interes lamang ang nasusunod, diktadura ang mangingibabaw.
Para sa Simbahan, ayon na rin sa mga panlipunang katuruan nito, hindi isang tunguhin (o end) ang demokrasya kundi isa sa maraming paraan upang makamit ng lipunan ang kagalingan ng lahat o common good. Gayunman, kinikilala natin ang mga mabubuting dulot ng demokrasya gaya ng pagtiyak na nakalalahok ang mga tao sa pamamahala, napananagot nila ang kanilang mga pinuno, at napapalitan ang mga lider sa mapayapaang paraan kung kinakailangan. Ngunit dagdag pa ni St John Paul II, ang tunay na demokrasya o authentic democracy ay posible lamang sa isang estadong nananaig ang batas at nakasandig sa tamang pag-unawa sa pagiging tao. Samakatuwid, huwad ang demokrasyang isinasantabi ang batas at pinamumunuan ng mga lider na nagsusulong ng mga patakarang lumalabag sa dangal ng tao.
Kaya, mga Kapanalig, sa bawat nangyayari sa ating lipunan, gaya ng nangyaring pagpapatalsik kay CJ Sereno, tanungin natin ang ating mga sarili: Isinusulong ba nito ang kagalingan ng lahat? Iginagalang ba nito ang proseso ng batas? Kinikilala ba nito ang tamang pag-unawa sa angking dangal ng tao? Kung “hindi” ang sagot ninyo sa mga tanong na ito, baka hindi sapat na manatili lamang tayo sa komportable nating kinalalagyan.
Manatili tayong maging mapagbantay, mga Kapanalig, dahil baka bukas-makalawa, hindi na natin alam kung saan tayo patutungo bilang isang bayan.
Sumainyo ang katotohanan.