474 total views
Kaisa ang Diyosesis ng San Pablo, Laguna sa pakikipagtulungan at pagsuporta sa vaccination program ng pamahalaan upang masugpo at malunasan ang umiiral na coronavirus pandemic sa bansa.
Ayon kay Monsignor Jerry Bitoon, rektor at kura paroko ng Cathedral Parish of Saint Paul the First Hermit, inilunsad ng Diyosesis ang ‘Sabado Nights’ program na layong makatulong sa pamahalaang lungsod ng San Pablo sa mabilis na pamamahagi ng mga COVID-19 vaccines sa mamamayan lalu sa mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) at mga senior citizens.
Tinagurian itong ‘Sabado Nights’ sapagkat isinasagawa ang pagbabakuna tuwing Sabado at nagsisimula sa hapon hanggang gabi sa patio ng Katedral.
“Sabado Nights is a vaccination para sa mga APOR. So every Saturday, meron kaming vaccination sa aming patio ng Cathedral kasi malaki… Mayroong ina-assign sa amin na 500 slots. Kaya tinawag siyang Sabado nights dahil ginagawa from late afternoon hanggang gabi,” pahayag ni Msgr. Bitoon sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ni Msgr. Bitoon na nasa humigit-kumulang 3,000 indibidwal na ang nabigyan ng COVID-19 vaccines sa pamamagitan ng programa ng Diyosesis katuwang ang lokal na pamahalaan.
Sinabi rin ng pari na sa kasalukuyan, ang Katedral pa lamang ang nagsasagawa ng ganitong programa sa Diyosesis sapagkat ang ibang parokya ay walang malawak na lugar na mayroong maayos na daluyan ng hangin na kailangan para sa mas ligtas na pamamahagi ng bakuna sa publiko.
“Sa ibang parokya kasi wala silang ganung kalaki na patio. Kasi ang kailangan talaga ay malawak… ‘yung al fresco, ‘yun bang hindi naka-enclosed. So that’s why, so far, ang Katedral ng San Pablo ang may ganitong Sabado Nights,” saad ni Msgr. Bitoon.
Batay sa huling tala, nasa mahigit 26-milyong indibidwal na ang nabakunahan ng COVID-19 vaccine sa bansa, kung saan higit sa 14-milyon rito ay natanggap na ang unang dose ng bakuna habang nasa higit 12-milyon naman o 17-porsyento ng populasyon ng bansa ang nakatanggap na ng ikalawang dose
Patuloy naman ang panagawan ng simbahan sa mamamayan na magpabakuna laban sa COVID-19 upang mabigyan ng karagdagang kaligtasan lalo na sa pinangangambahang epekto ng Delta variant.