422 total views
Nagpapasalamat si Cotabato Social Action Director Rev. Fr. Clifford Baira sa tiwala na ibinigay sa kanya ng mga Pari at mga Director ng iba’t-ibang Social Action Center sa mga Diyosesis sa Pilipinas bilang kanilang kinatawan sa Caritas Philippines.
Ayon kay Fr. Baira, isang biyaya mula sa Panginoon ang kanyang karagdagang tungkulin bilang naglilingkod sa Simbahan at sa mga mananampalataya.
“Pinapasalamatan ko yun trust and confidence ng mga regional representative ng Suffragan Dioceses dahil ako yun napili nila na mag represent ng Social Action sa Caritas [Philippines] board. Isa sa mga tinitignan ay magiging channel ako sa mga possible programs o possible na gawain na it can be from the Diocesan level going up sa NASSA [Caritas Philippines] level or it can be also vice versa from top level going down. Last week nag start na yun role ko dahil nagkaroon na ng board meeting I was already introduced to the members of the board ng Caritas Philippines and then doon na gumulong ang start ng aking function.” Pahayag ni Fr. Baira.
Sa kanyang unang pakikipagpulong sa pamunuan ng Caritas Philippines ay agad na naatasan si Fr. Baira upang suriin ang naging pinsala ng bagyong Dante.
“Ang unang inutos sa akin ni Bishop Colin [Bagaforo] alamin ang extend ng damage ng bagyong Dante and to encourage the DSAC na apektado to facilitate especially yun pag-gawa ng Sitrep [Situationer Report] para ma-bigyan ng atensyon ng NASSA level yun immediate needs ng mga nasa grounds.” Ani Fr. Baira.
Samantala, nagsimula na din si Fr. Baira na makipag-ugnayan sa Philippine National Police upang magkaroon ng pagtutulungan ang Pulisya at ang Simbahan sa pagresolba sa mga isyu tulad ng extra judicial killings at red tagging.
“Nagkaroon kami ng meeting together with the hierarchy and leadership of National Police [Gen] Eleazar nagbigay ako ng instruction sa mga DSAC Director at mga staff nila na just in case na meron mga usual na pangyayari sa grounds like red tagging o EJK saka mga violation of human rights eh agad ma-isanguni sa akin sa level ko dahil meron na tayo direct link ngayonat ang CBCP Caritas.”Pahayag ng kasalukuyan ding Director ng Social Action Center ng Archdiocese of Cotabato.
Magugunitang si Fr. Baira ay naging aktibo din sa pagtulong sa mga naapektuhan ng armed conflict at iba’t-ibang issue lalo na sa Mindanao.
Pinalitan ni Fr. Baira bilang kinatawan ng mga SAC Director sa pamunuan ng Caritas Philippines si Rev. Fr. Rex Paul Arjona na naging Social Action Director ng Diocese of Legazpi sa Albay.
Ang Caritas Philippines ay nagsisilbi bilang national social arm ng Simbahang Katolika sa Pilipinas at kumakatawan sa 84 na Diyosesis sa Caritas Internationalis.