2,183 total views
Nagpadala ng tulong ang Office of Civil Defense para sa mga apektadong residente dulot ng pagliligalig ng bulkang Mayon sa Albay.
Ayon kay OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa regional offices at lokal na pamahalaan para sa maayos na pamamahagi ng tulong kasabay ng pagbabantay sa kalagayan ng bulkan.
Sa huling tala ng OCD, umabot na sa 9.2 milyong piso ang halaga ng mga naipamahaging tulong tulad ng tarpaulin rolls, N95 face masks, food packs, hygiene kits, at portable water filtration unit sa mga nasa evacuation centers.
“We have reminded our counterparts and the LGUs to implement precautionary measures aggressively to ensure the safety of the residents. We also ask the residents to always follow authorities’ warnings and advisories.” bahagi ng pahayag ni Nepomuceno.
Nagpadala na rin ng water filtration truck ang ahensya at inaasahang maglalaan ng 3,200 sako ng bigas na nagkakahalaga ng P4 million para sa mga apektadong pamayanan.
Natanggap na rin ng Albay Provincial Government ang 55 toneladang humanitarian aid mula sa pamahalaan ng United Arab Emirates, sa pamamagitan ng Office of the President, Department of the Interior and Local Government, at Department of Social Welfare and Development.
Samantala, tumatanggap na rin ng tulong at donasyon ang Legazpi Diocesan Social Action Commission na maaaring ipadala sa mga parokyang saklaw ng diyosesis o sa tanggapan ng SAC Legazpi sa Albay Cathedral Compound, Legazpi City.
Sa mga nais namang magbigay ng cash donations, maaari itong ipadala sa pamamagitan ng BPI Account na Social Action Center-SPM sa Account number na 0851-0067-37.
Batay sa huling ulat ng PHIVOLCS, nananatili pa rin sa Alert level 3 ang bulkang Mayon na nakapagtala ng pitong volcanic earthquakes, 309 rockfall events, at pitong dome-collapse pyroclastic density current (PDC) na tumagal ng apat na minuto, sa nakalipas na 24-oras.
Patuloy ding binabantayan ang mabagal na pag-agos ng lava mula sa crater ng bulkan na tinatayang aabot sa humigit-kumulang isang kilometro sa Mi-isi at Bonga Gullies.