160 total views
Kumikilos na ang iba’t-ibang Diocesan Social Action Center sa mga lalawigan na naapektuhan ng bagyong Karen upang malaman ang pagtulong na isasagawa ng Simbahan.
Ayon kay Rev. Fr. Israel Gabriel, Social Action Director ng Prelatura ng Infanta (Aurora Province), kasalukuyan ng nagsasagawa ng rapid assessment ang kanilang mga volunteers upang makita ang pangangailangan ng mga residente bagamat hindi labis na nagdulot ito ng malawak ng pinsala gaya ng inaasahan.
Sinabi ni Fr. Gabriel na nagsibalikan na sa kanilang mga bahay ang mga nagsilikas na residente bagamat isa sa nakikita nila na pinaka-naapektuhan ay ang mga indigenous people sa San Luis Aurora.
“Nasa grounds na aming mga worker nagsasagawa ng rapid assessment, ang mga tao nagsisipag-ayos na ng bahay, hindi problema relatively ang pagkain ang mga nag-evacuate ay nakabalik na kahapon,” mensahe ni Fr. Gabriel sa Damay Kapanalig ng Veritas 846.
Tinataya aniya na sa 300 katutubo ang nangangailangan ng mga pagkain matapos masira ang kanilang mga pananim at pinagkakakitaan.
“Sa mga katutubo kailangan ng relief, malayong lugar nila at cut off sila kapag may kalamidad, kahapon namigay na kami dito,” dagdag na mensahe ng Social Action Director ng Prelature of Infanta.
Samantala, kumikilos na rin ang Diocese of Virac sa Catanduanes upang alamin kung paano sila tutugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente.
Kasalukuyan nang nakikipagpulong ang Social Action ng Diocese of Virac sa lokal na pamahalaan. Kapwa naman umaapela ng panalangin ang dalawang nasabing diyosesis dahil na rin sa banta ng bagyong lawin na kasalukuyang kumikilos pa silangan at nagbabanta sa hilagang bahagi ng Luzon.