453 total views
Puspusan ang ginagawang rapid assessment ng iba’t-ibang Diyosesis na sinalanta ni super typhoon Rolly.
Inihayag sa Radio Veritas ni Renbrandt Tangonan, communication officer ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission na tinatapos nila ang rapid assessment sa lalawigan ng Batangas upang malaman ang kabuuang bilang ng mga residenteng matinding naapektuhan ng bagyo.
Ayon kay Tangonan, wala pa ring kuryente sa buong lalawigan at kitang-kita ang matinding pinsala sa mga ari-arian, kabuhayan ng mamamayan at imprastraktura.
Ibinahagi naman ni Fr. Allan Malapad, dating Social Action Director ng Diocese of Boac, Marinduque ang matinding pinsala sa mga tahanan at kabuhayan ng mga residente ng bagyong Rolly na mas malala sa pinsala ng nagdaang bagyong Quinta.
Sinabi ng Pari na nagkaroon ng matinding pagbaha sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan at pagguho ng mga lupa maging ang pagkasira ng ilang tulay at kalsada dulot ng malakas na pag-agos ng tubig mula sa ilog.
Bagamat naibalik na ang daloy ng kuryente sa ibang lugar, nasa state of calamity pa rin ang bayan ng Torrijos at Boac magmula pa noong manalasa ang bagyong Quinta.
Ibinahagi naman ni Diocese of Gumaca Assistant SAC Director Fr. Rustom Dirain na hindi pa rin naibabalik sa kasalukuyan ang suplay ng kuryente.
Naghahanda na rin ang Arkidiyosesis ng Nueva Caceres na mamahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo.
Nanawagan din ng tulong si Fr. Marc Real, ang SAC Director ng arkidiyosesis para sa residenteng nawalan ng kabuhayan at ari-arian dahil sa hagupit ng bagyong Rolly.
Hindi naman gaano naapektuhan ng bagyong Rolly ang Apostolic Vicariate ng San Jose, Occidental Mindoro.
Ayon kay Fr. Rolando Villanueva, SAC Director ng bikaryato na ramdam pa rin nila ang epekto ng bagyong Quinta na matindi ang iniwang pinsala sa lalawigan lalo na sa sektor ng agrikultura.
Patuloy naman na humihiling ng panalangin ang mga diyosesis gayundin ang pangangalap ng tulong para sa mga apektadong residente na muling makabangon mula sa matinding epekto ng dalawang magkasunod na bagyo.