406 total views
Patuloy na naka-monitor ang mga parokya at mga organisasyon ng Simbahang Katolika mula sa epekto ng Habagat at bagyong Fabian.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng assessment ang mga volunteer’s ng Caritas Manila sa mga lugar na binaha gaya ng Baseco Compound at Smokey Mountain na nasasakupan ng Risen Christ Parish kung saan nasa mahigit 1,000 pamilya ang naitala na nagsilikas.
Ilang residente din ang naapektuhan ng pagbaha sa Our Lady of Assumption at Our Lady of Remedies sa lungsod ng Maynila.
Tiniyak naman ng Caritas Manila sa pamamagitan ng Disaster and Relief Response Unit nito na Caritas Damayan na may mga nakahanda silang food packs at mga bigas na maari nang ipadala sa mga apektadong residente.
Kaugnay nito, lubog din ngayon sa baha ang ilang mga lugar sa Diocese of Antipolo partikular na sa Cainta, Rizal.
Sa update ng Caritas Antipolo, mataas na din ang tubig sa Holy Trinity Parish sa Village East, Cainta Rizal habang apektado din ang mga residente ng Immaculate Conception Parish sa Vista Verde Executive Village.
Naka-monitor din ang Diyosesis sa patuloy na pagtaas ng tubig sa Marikina River at evacuation ng mga residente na nakatira malapit dito.
Nahanda na din ang Commission on Social Action ng Diocese of Malolos sa Bulacan para sa mga posibilidad ng relief operation.
Inihayag ni Rev. Fr. Efren Basco, Social Action Director ng Diyosesis na may mga nakahanda silang bigas na maaring ipamigay sa mga apektadong residente habang nagpapatuloy naman ang kanilang pamimigay ng gift certificate na mula sa Caritas Manila.
“May naka stage kami na bigas yun nga lang sabi ko kay Bishop [Dennis Viillarojo] na if may hihingi ng tulong refer lang sa amin kasi yun coordinators namin sa mga Parokya ay nabaha din pero kaya pa naman support lang tayo sa kanila” pahayag ni Fr. Basco.
Ilang Bayan sa Bulacan ang agad na nilubog sa baha matapos sabayan ng high tide ang tuloy tuloy na buhos ng ulan.
Bagamat nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Fabian ay patuloy nitong hinahatak ang Habagat dahilan ng patuloy na pag-ulan na nararanasan sa bansa.