204 total views
Dapat maging inspirasyon ng mga kawani ng Philippine National Police sa pagganap ng tungkulin ang buhay at kabayanihan ng 44 na PNP-Special Action Force troopers at iba pang mga namatay sa pagsusulong ng kapayapaan at kaayusan ng bansa.
Ayon kay PNP Chaplain Service Chief of Staff Rev. Fr. Senior Superintendent Arnolfo Castillo, ang buhay at serbisyo ng SAF 44 kasama na ang mga nasawing pulis at sundalo sa Marawi siege ang dapat na maging halimbawa ng mga pulis sa buong pusong pagsiserbisyo para sa bayan.
Pagbabahagi pa ng Pari ang katapatan, kabayanihan, pagkalayo sa pamilya at pagbubuwis ng buhay para sa bayan ay kalakip ng tungkuling sinumpaan ng bawat kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas hindi lamang para sa bayan at sa mga mamamayang Filipino kundi maging para sa Panginoon.
“Lagi naming sina-sample hindi lamang yung SAF 44 maging yung recent sa Marawi na ang kabayanihan ay bahagi ng paglilingkod at all times ay makapag-contribute sa bayan, lagi naming pinapa-inspire ang buhay ng mga kasundaluhan na many times ay malayo sa kanilang pamilya and they risk their lives but it’s all because of their love for God, country and the people…” pahayag ni Father Castillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag ng Pari ang pakikiisa ng buong PNP-Chaplain Service sa paggunita ng ikatlong anibersaryo ng madugong Mamasapano encounter kung saan idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Proclamation No. 164 ang ika-25 ng Enero na National Day of Remembrance bilang pagkilala sa kabayanihan ng SAF 44.
Ibinahagi ni Father Castillo na magsasagawa ang PNP-Chaplain Service sa lahat ng rehiyon ng mga spiritual o religious service bilang pagkikilala at pagbubunyi sa buhay ng mga nasawing 44 na SAF troopers.
“So ini-encourage nalang na by region, lahat ng region ay tinatawag na sa A Day of Remembrance ay isama sa misa o kaya spiritual o religious service with respect to other religion kami naman sa mga Catholic Chaplain we make it sure na merong misa sa mga rehiyon ngayon A Day of Remembrance to honor the life of the troopers…” Pagbabahagi ni S/SUPT. Castillo.
Samantala naniniwala naman ang Simbahang Katolika na kinakailangang maipagpatuloy ang pag-iimbestiga sa tunay na naganap sa operation plan Exodus na dapat sana’y pagsi-serve ng warrant of arrest sa Malaysian bomb maker na si Zulkifli bin Hir alias Marwan at dalawa pang kasamang terorista upang mabigyang katarungan ang pagkamatay ng SAF44.