571 total views
Homiliya Para sa Bihilya ng Pagkabuhay, 8 Abril 2023, Mat 28:1-10
Minsan may nagtanong sa akin, “Bishop bakit mahilig kayong mag-quote ng mga kanta at tula sa mga homily ninyo?” Ang sagot ko, pwede bang hindi? Hindi naman pwedeng ikahon ang ating pananampalataya sa ilang linya lang ng doktrina. Pag ganoon pinapatay natin ito. Ang bumubuhay sa atin ay hindi lang hininga, hindi naman tubig at pagkain lang ang kailangan natin. Hindi naman kasi tayo katawan lang —tayo ay sumasakatawang diwa. Para mabuhay ang ating diwa kailangan nating magkaroon ng layunin, maghanap ng kahulugan. Natatagpuan natin ito sa mga karanasang ng pagtitiwala, pag-asa at pag-ibig. Sa tatlo, sabi ni San Pablo, ang pinakadakila at pag-ibig. Ito lang daw ang mananatili, at hindi mawawala. Hindi natin mabigkas ang misteryo ng pag-ibig na hindi tumutula o umaawit.
Ito ang statement natin sa taon-taon na pagdiriwang natin ng pagkabuhay. Isang napakalalim at napakatinding misteryo ng buhay na hindi maipahayag ng doktrina lamang. Kaya ipinapahayag natin sa tula, dula at awit. Siyangapala, ang dula ay tula rin, sa pamamagitan ng kilos at galaw, katulad ng mga liturhiyang ipinagdriwang natin. Kaya maraming palabok ang liturhiya, may pausok, may prusisyon, may batengteng, may mga costume, makulay, maraming awit, may sagutan, may galaw, may drama, matalinghaga.
Ang awit ay tula rin na sinasabayan naman ng tinig at himig. Lahat ng ginagawa natin matulain. Nagtitipon tayo sa dilim, nagsisiga, binabasbasan ito, nagsisindi ng kandila ng paskwa, ginuguhitan ito ng alpha at omega—simula at katapusan, tinatatakan ang bawat bilang ng taon, iniilawan ito, inaawitan ng exsultet. Para tayong isang sinaunang tribu, nakapaikot sa apoy ng bonfire, nagbabasa ng mga sinaunang kwento tungkol sa pagkakalikha ng daigdig at sangkatauhan, tungkol kay Abraham, tungkol sa bayang inalipin ngunit pinalaya ng Diyos, itinawid sa dagat at disyerto patungo sa isang lupang pangako, mga paalala ng mga sinaunang propeta, mga salaysay na may kinalaman sa Diyos na umiibig, nagliligtas, nagpapakumbaba, nagkakatawang-tao, nagpapatawad, handang magbuwis ng buhay bilang pantubos sa minamahal.
Talagang tula, dula, awit at sining ang likas na linggwahe ng pananampalataya. Ito kasi ang linggwahe ng puso at kaluluwa na hindi sumusuko sa mga hangganan ng katawan at daigdig. Kaya kawawa ang isang bayang hindi na tumutula at hindi na umaawit. Kawawa ang bayang hindi na nagkakatipon sa paligid ng apoy para magbasa ng mga sinaunang kwento, para sariwain sa alaala ang mga walang kamatayang kwento ng pag-ibig.
Isa sa mga pinakaromantikong Amerikanong balladeers ay si Frank Sinatra. Ang sabi niya sa isang ballad niya:
When somebody loves you, it shows in every smile
When somebody loves you, your life becomes worthwhile
Always caring, always sharing everything you do
When somebody loves you like I love you
Syempre ang iisipin natin kaagad na “somebody” na tinutukoy niya ay lover o katipan niya. Sa gabing ito suggestion ko, ang isipin ninyong somebody who loves you—o isang nagmamahal sa inyo ay ang Diyos, at ang kumakanta ay si Hesus. Di ba ganyan ang ramdam ng minamahal?
Madali daw makitang may nagmamahal sa iyo sa bawat ngiti mo. Ramdam mo rin na ang buhay mo ay nagiging mahalaga. Nagbabago ang ugali mo—natututo kang kumalinga, magbigay, magbahagi ng lahat ng meron ka. Ganoon daw ang dating pag may nagmahal sa iyo, when somebody loves you like God loves you.
Iyun ang statement natin ngayong gabi. Pero hindi pa doon nagtatapos. Sa katunayan gumawa ng isa pang ballad si Frank Sinatra, pareho ang himig pero iba ang lyrics at ang title ay iba rin: kahit parehong “When somebody loves you” ang simula, ang title naman ay “All the Way.”
Sabi niya: “When somebody loves you, It’s no good unless he loves you ALL THE WAY…” Kaya naiisip ko na lampas na sa ordinaryong pag-ibig ang tinutukoy niya, dahil sa dulo ng kanta ang sabi niya, “But if you let me love you, It’s for sure I’m gonna love you all the way!” Parang ganyan ang awit ng Pagkabuhay, awit ng Panginoon sa sangkatauhan.
Ano ba ang all the way sa Tagalog? Hanggang dulo, sagaran, walang katapusan, walang hanggan, lumalampas, lumulusot, tumatawid sa mga balakid. Kaya Paskwa ang tawag natin, Passover. Ang pag-ibig na wagas ay walang wakas.
Ito ang katiyakan ng puso na pinanghahawakan natin sa ating pagpapahayag ng muling pagkabuhay ni HesuKristo. Sabi nga sa Juan 13:1, “Minahal niya ang itinuring niyang kanya; minahal sila hanggang katapusan.” Ibig sabihin, isinagad niya. Sabi pa niya,
Taller than the tallest tree is
That’s how it’s got to feel
Deeper than the deep blue sea is, that’s how deep it goes if it’s real.
Higit pa raw sa pinakamataas na punongkahoy, higit na mas malalim kaysa pusod ng dagat, ganyan daw kalalim kapag tunay ang pag-ibig. Kayang tapakan ang kahit na ilang tinik, kayang tawirin ang kahit na ilang dagat.
Hindi tinatapos ng kamatayan; hindi matutuldukan ng libingan. Lalampasan niya ang lahat ng hangganan ng lugar at panahon. Kay Kristong namatay at muling nabuhay, naranasan natin ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos, pag-ibig na walang pagsuko, pag-ibig na sagaran, pag-ibig na tatalo sa kasalanan at kamatayan.