237 total views
Karapat-dapat na pahalagahan at pasayahin ang mga bata sa panahon ng pagsilang ni Hesus.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo,chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, ito ang mensahe sa paggunita ng Simbahan ng Niños Inosentes na naganap sa unang pagdiriwang ng Pasko.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na ang mga sanggol na pinaslang ang unang santo ng Simbahan dahil sa kanilang sakripisyo para sa kaligtasan ng sanggol na si Hesus.
“Ngayong kapanganakan ni Hesus ay dapat maging masaya at marami nga nagbibigay ng halaga sa mga bata, mga Aguinaldo, regalo at magandang damit. Pero dapat nating tandaan na ang unang Pasko ang mga bata din ang nagsakripisyo para kay Hesus at mailigtas. Nailigtas lamang siya dahil sa prompt obedience na ginawa ni Jose. Pero yung mga bata sila ay itinuturing nating mga Santo,” ayon kay Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Ikinalulungkot ng Obispo na sa kasalukuyang panahon ay patuloy pa rin nagiging biktima ang mga kabataan kabilang na sa usapin ng contraception, abortion, human trafficking, migration, pang-aabuso, digmaan, kalamidad at maging sa extra judicial killings.
“Kaya hanggang ngayon kung talagang papahalagahan natin ang Pasko, dapat pahalagahan natin ang mga bata,” dagdag pa ng obispo.
Iginiit ni Bishop Pabillo na ito ang dahilan kung bakit may mga adbokasiya, ang simbahan para pangalagaan ang kabataan tulad ng Childrens and Youth ministries sa mga parokya at mga programa para sa mga bata.
Sa naganap namang war against drugs sa bansa, higit sa 50 kabataan na nasa edad 18-taong gulang pababa ang kabilang sa mga napapatay.
Habang naitala naman na may higit sa 30,000 mga bata sa buong mundo ang namamatay kada taon dahil sa sex trafficking.