1,992 total views
Ang mga kabataan ng susunod na henerasyon ang labis maapektuhan sa pagkasira ng kalikasan.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, mahalaga ang tungkulin ng mga kabataan sa pagsusulong ng maayos at malinis na kapaligiran.
“Malaki ang tungkulin nila kasi sila ang dapat na mababahala dapat, kasi ang mundong ito ang tatanggapin [mga kabataan] kaya dapat mas maging involve sila tungkol dito.” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Pabillo na kaakibat ng pagiging Kristiyano ay dapat pangalagaan ng mga mananampalataya ang kalikasan dahil ito ay biyayang ipinagkaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.
Iginiit ng Obispo na ang tao rin ang sumisira sa kalikasan dahil sa kapabayaan at kawalan ng pagpapahalaga sa kapaligiran.
Dahil dito, tiniyak ng Simbahang Katolika ang patuloy na pagpapalawak ng mga programang tutugon sa suliranin sa kalikasan kaisa na rin sa panawagan ng Kaniyang Kabanalang Francisco sa inilathalang ensiklikal na Laudato Si kung saan binibigyang pansin dito ang kahalagahan sa pagpapanatiling maayos ng kapaligiran na tahanan ng mamamayan.
“Magkakaroon po tayo ng best practices na ipapakita paano ang programa magagawa maraming posibilidad pero dapat tingan ang bawat Parokya, ang bawat school kung ano ang kaya nilang gawin para dahan-dahan nating gawin.” dagdag ng Obispo.
Batay sa pag-aaral 63, 000 toneladang basura ang nalilikha sa bansa araw-araw na sanhi ng pagbara sa mga lagusan ng tubig at nagdudulot ng pagbaha tuwing umuulan.
Sa isinagawang Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly noong ika – 1 ng Setyembre na ginanap sa Paco Catholic School Manila, tinalakay dito ang iba’t ibang pamamaraan sa pag-iwas ng makalat na kapaligiran at wastong pangangalaga sa kalikasan.
Nanawagan si Bishop Pabillo sa mamamayan ng Ecological Conversion.
Read more: Ecological conversion, paiigtingin sa Season of Creation