243 total views
Ngayong araw ang ikalawang bahagi ng pagpupulong ng Save Sierra Madre Network Alliance kaugnay sa plano ng grupong pagpapaigting sa pangangalaga sa kabundukan.
Sa mensahe ni Fr. Pete Montallana, chairperson ng grupo, binigyang diin nito na ang pangangalaga sa kabundukan ang susi sa ikagaganda ng buhay ng pamayanan na nakadepende sa Sierra Madre kabilang na ang Metro Manila kung saan 90 porsyento ng water supply nito ay nagmumula sa mga dam na sakop nito.
Dahil dito, hinikayat ni Fr Montallana ang bawat isa, maging ang mga tagalungsod na tumulong sa pagprotekta sa kabundukan na pinagmumulan ng buhay ng malaking bahagi ng Pilipinas.
“Ang pinaka puno’t dulo n’yan kung talagang tutulong sa Sierra Madre kailangan yung galing sa bulsa mo, kami po sa Save Sierra Madre ay kapos sa aming magagawa pero sana ay magsimula tayong mag-isip na magcontribute sa ikakaunlad ng Sierra Madre kasi yan ay buhay natin.” Ayon sa pari.
Sa tala, ang Sierra Madre ay binubuo ng 1.4 na milyong hektarya ng kagubatan kung saan 40% ito ng kabuuang kagubatan sa Pilipinas. Dagdag pa rito sa Sierra Madre rin naninirahan ang 33% ng 14 hanggang 17 milyong katutubo sa Pilipinas.
Samantala sa kabila ng pagdeklara ng pamahalaan noong 1992 sa Northern Sierra Madre na kabilang sa National Integrated Protected Area System ay marami pa rin ang nagsasagwa ng illegal logging at black sand mining sa kabundukan.