588 total views
Pinatutukan ng CBCP – Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People sa Administrasyong Duterte ang usapin ng pasahod at trabaho maliban pa sa kampanya nila kontra – iligal na droga.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, dahil sa masyadong natutukan ng pansin ang laban sa iligal na droga ay naisasantabi naman ang mahahalagang prayoridad na dapat rin namang tutukan ng kasalukuyang pamahalaan.
Hangad rin aniya ng mga Pilipino na tugunan ng ang isyu na nakabubuhay na sahod at paglikha pa ng maraming trabaho dahil bumaba na rin sa negative 21 percent ang bilang ng mga Pilipino na tumuturing sa kriminalidad bilang isang isyung pambansa batay na rin sa inilabas na pag – aaral ng Pulse Asia.
“Pero huwag nating kakalimutan yung iba pa tulad ng pagbibigay ng trabaho at kapag may trabaho ito ang magiging dahilan upang maging payapa, maayos ang buhay kabuhayan at ating pangangailangan. At dahil dito hindi na sila gumawa ng paraan na hindi ikakasama na kailangang tustusan ang kanilang pangangailangan sa kanilang pamumuhay. Tutukan ang laban sa droga pero huwag kakalimutan ang iba pang mga bagay na sabay – sabay, sama- sama, na tutukan ang pangangailangan at kahilingan ng ating kapwa Pilipino,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid na karagdagan pa sa isinagawang pag – aaral ng Pulse Asia mula ika – 25 hanggang ika – 1 ng Oktubre taong kasalukuyan na, 46 na porsyento ng mga sumagot ang nagsabing pagpapabuti sa pasahod ang pinakamahalagang pambansang isyu para sa kanila.
Habang sinundan naman ito ng paglikha ng mas maraming trabaho kung saan 38 porsyento ng mga respondents ang nais na tugunan agad ito ng gobyerno.
Gayunman, sinabi na rin ng kanyang Kabanalan Francisco na kinakailangan maging balanse ang pagtugon ng pamahalaan sa mga pangunahing pangangailangan ng publiko lalo na kabutihang pangkalahatan o “common good.”