1,091 total views
Makaraan ang mahabang panahon ng pandemya, maari ng magtungo sa parokya ang mananampalataya para magsimba bilang paghahanda sa nalalapit na Pasko ng Pagsilang sa Abu Dhabi.
Inaanyayahan ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia (AVOSA) ang mananampalataya na makiisa sa mga misa lalo’t muli nang magbubukas ang Saint Joseph Cathedral.
Ayon kay AVOSA Vicar General Fr. Troy Delos Santos, OFM Cap. muling bubuksan sa Abu Dhabi ang pisikal na pagdiriwang ng simbang gabi sa Disyembre bilang paghahanda sa pasko ng pagsilang ng Panginoon.
“Ang Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi ay malugod na nag-aanyaya para sa ating Simbang Gabi 2022 in St. Joseph Cathedral Abu Dhabi sa December 15 hanggang 23 na tuwing ikawalo ng gabi.” bahagi ng pahayag ni Fr. Delos Santos sa Radio Veritas.
Matatandaang dalawang taong ipinagpaliban ang pampublikong pagdiriwang ng Pilipinong tradisyon sa Middle East dahil sa pag-iral ng pandemya kung saan mahigpit na ipinagbawal ang mass gatherings upang makaiwas sa hawaan ng COVID-19.
Hiling ni Fr. Delos Santos na gawing makabuluhan ng mananampalataya ang pagkakataong makadalo sa mga parokya sa simbang gabi bilang paghahanda sa sarili sa pagdating ng manunubos.
Paalala ng opisyal ng AVOSA sa mananampalataya ang ibayong pag-iingat sapagkat nanatiling banta sa mundo ang COVID-19 lalo’t nagkaroon ng iba’t ibang variant ang virus.
“Paalala lamang sa ating mananampalataya bagamat face-to-face na ang ating simbang gabi, patuloy pong ipinatutupad ang safety protocol sa pamamagitan ng pagsusuot ng facemask. Kaya naman mga minamahal kong kapatid kita-kita po tayo sa ating simbang gabi at sama-sama po nating salubungin ang pagsilang ng ating Panginoong Hesus.” ani Fr. Delos Santos.
Sa isang pahayag noon ng simbahan sa Middle East ang St. Joseph Cathedral sa Abu Dhabi ay may humigit kkumulang 100, 000 parishioners na mga migrante na karamihan ay mga Pilipino.
Ibinahagi naman ni Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi Media Director Rommel Pangilinan na nagagalak ang mga OFW sa Middle East na muling makadalo sa tradisyunal na Simbang Gabi.
Aniya bagamat isasagawa na itong face-to-face maari pa ring masubaybayan sa official facebook page ng Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi ang mga pagdiriwang para sa ibang Pilipino na hindi makadadalo ng personal sa simbahan.