712 total views
Kapanalig, bigyang atensyon naman natin ang mga kababayang nating dumadaan sa mga krisis pangkalusgan sa ating bayan. Sa ngayon, dahil ang ating bayan ay may young population, hindi masyado nababalitaan o napapansin sa mainstream media o social media ang hirap na pinagdadaanan ng maraming mga Filipino na may pinagdadaanang malala at chronic diseases. Hindi natin nakikita ang napakabahang pila na tinitiis ng marami nating kababayan sa mga public hospitals para lamang magpa check-up o makakuha ng treatment at laboratory tests. Madalang magviral ang mga ganitong pangyayari sa social media, kahit pa araw-araw ito nangyayari.
Ayon sa World Bank, maraming may non-communicable diseases sa ating bansa, at tinatantyang kinitikil nito ang buhay ng may mga 300,000 na katao sa Pilipinas kada taon, ang mga sakit na ito ay diabetes, heart disease, stroke, cancer, at mga chronic diseases na nakaka-apekto sa baga.
Kapanalig, napakamahal at matagal ang gamutan na ito. At kahit may kaya ka pa, maaaring masaid ang pera mo dito. Kaya nga marami sa ating kababayan, kaysa magpatingin sa doctor o kahit sa health center, tinitiis na lang ang sakit. Kung di na matiis, nangungutang na lang.
Sa mga ganitong pagkakataon, mahalagang mahalaga ang mga government services gaya ng Universal Health care, ang matatag na PhilHealth pati na rin ng Department of Social Development and Welfare. Lingid sa ating kaalaman, mahalaga rin dito at malaking tulong ang mga guaranty letters mula sa mga opisina ng LGU, ng congressman, senador, at mga kagawaran gaya ng PCSO. Kahit madaling araw marami ang mga pumipila para dito para sa magkaroon ng budget para sa mga libreng gamot at laboratory tests.
Kapanalig, sana mas mapadali pa natin ang mga sistema at serbisyo para sa mga krisis pangkalusugan ng ating mga kababayan. Mas lalong hirap ang ating mga kababayang may sakit dahil kailangan pa nila pagdaanan ang samut-saring proseso at pila kahit pa sila ay may pinagdaanang malubhang sakit. Isang halimbawa ay para sa mga kababayan nating nagda-dialysis na. Ilang oras sila sa dialysis centers ilang beses sa isang linggo. Napakalaking tulong ng PhilHealth package para dito, kaya lamang kung pipila pa sila para sa mga ibang labtest na kanilang kukunin, o para sa iba pang gamot na kailangan nilang bilhin, wala na silang ibang magagawa, kasama ang kanilang caregivers, sa kanilang buong linggo. Paano na ang kanilang mga trabaho na kailangan pa rin nila upang tustusan ang pang-araw araw na gastos?
May gabay ang Laborem Exercens sa usaping pangkalasugan. Ayon dito: Dapat easily available o abot kamay ang ang medical assistance para sa mamamayan, at kung maaari, ito ay maging napakamura o free of charge o libre. Sabay nito, kailangan din natin kilalanin ang right to rest, pati na ang right to insurance at pension para sa mga may edad at manggagawa. Kapanalig, dapat ang serbisyong pangkalusugan sa ating bayan ay nagbibigay buhay, at hindi nagpapaikli ng buhay ng mamamayan.
Sumainyo ang Katotohanan.