93,828 total views
Mga Kapanalig, kasabay ng pagdalo niya sa Asia-Pacific Economic Cooperation Summit na ginanap sa San Francisco ngayong buwan, nakipagkita si Pangulong Bongbong Marcos, Jr sa mga kababayan nating OFW sa Amerika.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ng pangulo ang mga kababayan nating nagtatrabaho o nakatira na roon sa Amerika. Malaking tulong daw ang mga katulad nila sa pagsasalba sa ating bansa sa mga panahong nahaharap sa krisis pang-ekonomiya ang ating bansa. Ang kanilang ipinadadalang remittances sa mga kaanak nila dito sa bansa ay nakatutulong sa ating ekonomiya. Nitong Hunyo 2023, umabot sa 3.13 bilyong dolyar ang remittances mula sa mga OFW, at malaking bahagi nito—o 41%—ay mula sa Amerika. Asahan nating lalakí pa ito ngayong Kapaskuhan na pinakamahalagang okasyon para sa pamilyang Pilipino.
Dapat lang na pasalamatan ng ating presidente ang mga kababayan nating nakahanap ng mas magandang buhay sa ibang bayan. Tandaan nating ang pagdagsa ng mga Pilipino sa ibang bansa—o ang aktibo at sistematikong pagpapadala ng mga manggagawa natin sa ibayong-dagat—ay nagsimula noong panahon ng kanyang ama na si Ferdinand Marcos Sr.
Kakasimula pa lamang ng batas militar o martial law noon nang gawing pormal ang tinatawag na export labor. Layon ng overseas employment program ng rehimen na pansamantalang tugunan ang lumalalang unemployment sa bansa. Bagamat matagal nang nangingibang-bansa ang mga Pilipino, sinimulan ng ama ng ating presidente ngayon ang pagturing sa paggawa bilang isang bagay na maaaari nating i-export. Sa ganitong paraan, hindi na kailangang mamuhunan ng gobyerno sa pagpapahusay ng mga manggagawa at paglikha ng mga trabaho. Kumikita pa ang pamahalaan mula sa mga ipinadadalang remittances ng mga migrante sa iniwan nilang pamilya at sa palitan ng salapi o foreign exchange.
Mula noon, dumami nang dumami ang mga kababayan nating pinipiling mangibang-bansa upang makapagtrabaho. Isa nga tayo sa mga bansang pinanggagalingan ng pinakamaraming manggagawa. Sa Survey on Overseas Filipinos ng Philippine Statistics Authority, lumabas na nasa 1.96 milyon na ang mga OFW noong 2022. Nasa 1.84 milyon sa kanila—o halos 99%—ay overseas contract workers o mga may kontrata. Halos anim sa sampung OFW ay babae—at hindi tayo magtataka kung marami sa kanilang mga nanay na piniling iwan ang kanilang mga anak. Karamihan sa mga babaeng OFW ay nasa edad 30 hanggang 39. Sa mga lalaking OFW naman, pinakamarami ang 45 taóng gulang pataas. Karamihan sa mga babaeng OFW ay nasa mga tinatawag na elementary occupations katulad ng mga kasambahay, habang ang mga lalaking OFW ay karaniwang nasa mga planta o nagtatrabaho bilang machine operators.
Sa kulturang pinahahalagahan ang pagsasama-sama ng pamilya, maituturing na malaking sakripisyo ang ginagawa ng mga kapatid nating OFW. Tititiisin nilang malayô sa mga kapamilya, maibigay lamang ang kanilang kailangan. Hindi sana ito mangyayari kung marami ang trabaho sa ating bansa o kung ang sapat—kung hindi man malaki—ang sahod kahit sa mga trabahong tinatawag na elementary occupations. Ang patuloy na pagdami ng mga OFW ay patunay na malayo pa tayo sa kalagayang hindi kailangang may mawalay sa ating mga pamilya. Kaya maliban sa pasasalamat sa mga OFW, pagsumikapan sana ng gobyernong paramihin ang mga trabaho sa ating bansa at gawing patas at nakabubuhay ang sahod ng mga manggagawa. Sa ganitong paraan, magagawa ng gobyernong paglingkuran ang kabutihang panlahat, ang maging mga lingkod para sa ikabubuti ng mga mamamayan, gaya ng nasasaad sa Roma 13:4.
Mga Kapanalig, nakakamit natin ang ating dignidad sa paggawa. “We get dignity from work,” minsang sinabi ni Pope Francis. Hindi na sana kaakibat ng pagkamit ng dignidad na ito ang pagkakalayo ng magkakapamilya. Hindi sana itinuturing ang paggawa bilang isang produktong ibinebenta sa ibang bayan.
Sumainyo ang katotohanan.