83,623 total views
Mga Kapanalig, hindi malayong isa ka sa mahigit 84 milyong aktibong social media users sa Pilipinas. Ang bilang na ito ay katumbas ito ng 72.5% ng ating populasyon. Napakarami nga sa atin ang connected online.
Kaya naman, sa Catholic Social Media Summit na ginanap sa Cebu kamakailan, pinaalalahanan ni Auxiliary Bishop Ruben Labajo ng Cebu ang mga tinatawag na social media communicators na linangin ang tinatawag na virtue of prudence. Kailangan daw maging laging mahinahon at maingat sa pagpo-post at pag-browse sa social media ng mga nasa social communication ministry. Kapansin-pansin daw kasing may mga personal na post ang mga naglilingkod sa Simbahan na salungat sa mensaheng ipino-post nila sa social media platform ng kanilang parokya. Kung gaano ka-wholesome ang inilalagay nila sa page ng kanilang parokya, ganoon naman kabastos ang kanilang ibinabahagi sa kanilang personal na mga account. Habilin ng obispo, ang pagpo-post sa social media ay maging paraan sana na pagiging saksi nila kay Kristo. “Strive to be a witness of Christ,” paalala ni Bishop Labajo.
Napakalaking hamon nito, hindi lamang sa mga nasa social communications ministry ng mga parokya, kundi pati sa ating mga Katolikong gumugugol ng maraming oras sa social media. Alam n’yo bang sa isang araw, ang isang karaniwang Pilipino ay nakatutok sa social media sa loob ng tatlong oras at 43 minuto? Ang tatlong pangunahing dahilan kung bakit gumagamit ang mga Pilipino ng social media ay: una, ang makahanap ng impormasyon; pangalawa, ang makapag-ugnayan sa mga kaibigan at kapamilya; at pangatlo, ang mag-research kung paano ginagawa ang iba’t ibang bagay.
Pero sa panahong napakaraming content ang umaagaw sa ating atensyon sa tuwing gagamit tayo ng social media—mula sa hiwalayan ng mga sikat na artista hanggang sa mga alingasngas ng iringan ng mga pulitiko—marami sa ating hiráp pigilan ang sariling magbigay ng komento o opinyon. May mga pagkakataon pang ginagatungan natin ang mga isyu at nakapagbibitiw tayo ng masasakit na salita. Ang mas nakababahala, isang click lamang ang kailangan upang makapag-share tayo ng malisyosong impormasyon o kasinungalingan. Parang laging may tuksong maging parte ng usapan, na maging updated sa mga latest na nagaganap, o na hindi maiwan sa kung ano ang uso at mainit sa social media. Tila ba nakasalalay na sa dami ng likes at views ang ating halaga sa social media.
Kaya napakahalagang maging mahinahon at maingat, dahil kung magiging tapat tayong mananampalataya, ayaw nating maging bahagi ng pagkakalat ng kasinungalingan, ng pag-aaway-away, o ng pagdumi sa isipan ng ating kapwa. Magandang paalala lagi sa atin ang nasasaad sa Santiago 1:19: “maging alisto kayo sa pakikinig [at] maingat sa pagsasalita.” Mahalaga ang mga ito sa komunikasyong sumasaksi kay Kristo.
Kaakibat ng pagiging saksi kay Kristo sa social media ay ang pagiging saksi sa katotohanan. Sa isang misang pinangunahan niya sa Catholic Social Media Summit, binigyang-diin naman ni Archbishop Jose Palma ng Cebu na ang katotohanan ang sandigan ng komunikasyon. Sa ating paggamit ng social media, tayo raw sana ay maging totoo—”speak true, think true, and act true.”
Kaya naman, ang mga ibinabahagi ba natin sa social media ay totoo? Ang sinasabi ba natin tungkol sa ating kapwa sa social media ay totoo? Ang mga ipino-post ba natin sa social media ay nagbibigay-linaw sa isang usapin o nagdudulot ng kaguluhan at pagdududa?
Mga Kapanalig, makabagong ugnayan ang ibinibigay sa atin ng social media. Makita sana natin ito bilang biyaya sa halip na isang instrumento ng pagsisinungaling, paninira, at pagkakahati-hati. Ang ating komunikasyon sa pamamagitan ng social media ay maging isang pamahid na nagpapagaan ng sakit at isang masarap na alak na nagpapasaya sa mga puso.
Sumainyo ang katotohanan.