773 total views
Salamin, salamin sa dingding sabihin sa akin at ipakita rin mga puwing na hindi ko pansin ni ayaw kilalanin ni tanggapin!
Ayoko sanang sabihin ngunit ito binubulong ng aking damdamin: paano nga ba tayo humantong at ganito ating narating sa tuwing halalan darating nagpapanting mga tainga natin sa mga usaping alam na natin?
Paulit-ulit pinag-uusapan walang kinahihinatnan pagkatapos ng halalan kaya paulit-ulit na lamang walang katapusang mga pangakong binibitiwan nakakalimutan, pinababayaan pasan ng taong-bayan, di maibsan.
Tingnan nga natin at suriin ang sarili kung atin ding sinasalamin magagandang adhikain o mga paratang at pambabatikos natin dahil kung tutuusin ang pamahalaan ay larawan natin.
Galit tayo sa mga sinungaling dahil tunay nga sila'y magnanakaw rin; nguni't paanong naaatim ng marami sa atin araw-araw magsinungaling sa kapwa lalo na't nagtitiwala sa atin maging Panginoong Diyos pinagtataksilan natin?
Paanong diringgin panawagan ng nagmamalinis gayong batid kanilang mga bahid na dungis kaban ng simbahan pinakialaman para sa sariling kaluguran maging kahalayan?
Sila ba'y naparusahan marahil ni hindi pinagsabihan at ang masaklap hinayaan na lamang alang-alang sa habag at awa, palaging katwiran kapatawaran ng mga kasalanan.
Katapatan sa pangakong sinumpaan, hindi rin mapangatawanan kunwa'y maraming kaabalahanan ang totoo'y puro kababalaghan maraming pinupuntahan kasama'y mayayaman mga aba at walang-wala kanila ring iniiwan.
Totoo na malaki ang papel ng Simbahan na ginagampanan tuwing halalan ngunit huwag sanang makalimutan sa araw-araw na katapatan ang tunay na labanan kung saan mga alagad at pastol ng kawan magsilbing huwaran sa paglilingkod kaisa ang bayan ng Diyos sa karukhaan, kagutuman at kapighatian.
Salamin, salamin sa dingding kami ba'y marunong pang manalangin? Bakit tila hindi dinggin ating mga panalangin gayong mabuti ating layunin? Diyos pa ba pinagtitiwalaan, pinananaligan natin o baka naman lumalabis mga salita natin habang salat mabubuting gawa natin?
Salamin, salamin sa dingding kung kami ay magising maging kasing ingay ng batingaw katapatan namin sa araw-araw na gampanin, hindi katiting pinagaganda lang ng kuliling lalo na kung mayroong nakatingin para lang mapansin.
Ang dapat nating ipanalangin hindi lamang ang halalang darating kungdi makatotohanang pagsusuri at pag-amin sa mga kasalanan natin; pagkaraan ng limang-daang taon pagkakanya-kanyang dinatnan ni Magellan umiiral pa rin habang mga puna at pansin nina Rizal at GomBurZa nananatiling pangarap pa rin.