208 total views
Mahirap labanan ang salapi, ang laman at ang kapangyarihan para mapalaya ang sambayanang Filipino mula sa kahirapan at sa kawalang moral na usapin.
Ito ang binigyang diin ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz kaugnay ng pagsugpo sa usapin ng sugal, droga at prostitusyon sa bansa.
Dahil dito, umaasa ang arsobispo na sa bagong administrasyon, maiibsan kundi man ganap na mawala ang mga usaping matinding kalaban ng sibilisasyon upang maligtas ang kultura ng mga Filipino mula sa ganitong mga maling gawain.
Ayon kay Archbishop Cruz, bagama’t walang ginawa ang nagdaang administrasyon upang maibsan ang problemang ito, hindi pa rin sila sumusuko na darating ang araw, maitataas ang moral ng mga Filipino.
“Kung minsan parang sumusuntok ka sa buwan, pero di ibig sabihin nag gigive up na kami pero talagang mahirap labanan ang pera, ang laman ay maraming gusto kahit mali ay tama, kinang ng salapi, nakakabighani, kapangyarihan yan ang taong matitinding kalaban ng sibilisasyon sana po kahita paano sa pamamagitan ng administrasyong ito ay mabawasan ng konti ang mga ganyang kaugalian para ang kultura naman natin ay mailigtas natin sa mga ganung errant values system,” pahayag ni Archbishop Cruz sa programang Veritas Pilipinas ng Radyo Veritas.
Dahil sa kasakiman sa kapangyarihan at salapi lalo na ng mga nasa gobyerno, nasa 11.2 milyong pamilyang Pilipino pa rin ang mahirap sa survey ng social weather stations noong first quarter ng 2016, mas mataas sa 10.5 milyon noong 2015 sa kaparehong panahon.
Kaugnay nito, pinuri naman ng arsobispo ang administrasyong Duterte dahil sa kampanya nitong itigil na ang mga online gaming sa bansa.
“That is very good first step, hindi mabibilang at makontrol kasi itong online gambling, so kami po ay pumapalakpak, may umpisang mabuti, how far will it go? titingnan po natin,” ayon pa sa arsobispo.
Ayon sa PhilWeb, ang otorisadong online gambling operator sa bansa, nasa 299 e-Games cafes na may 800 terminals para sa online gambling.
Una na ring kinuwestyon ni Archbishop Cruz ang nagdaang administrasyong Aquino sa usapin ng values system lalo na at karamihan ng e-Games ay ino-operate malapit sa mga paaralan.