376 total views
Homiliya para sa Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay, Mayo 1, 2022, Jn 21:1-19
Minsan may nagpa-bless sa akin sa sakristiya, mag-asawang matanda, 50th wedding anniversary daw nila. Nagkuwentuhan kaming konti pagkatapos ng blessing. Doon ko nalaman na taga-Aparri ang lalaki at taga-Jolo naman ang babae. Wow, sabi ko, mula sa dulong north at dulong south, saan kayo nagkatagpo? Sabay silang tumawa. Ang lalaki ang sumagot—sa Manila bay daw. Bumibili ng fishball, fifty years ago. Pareho silang heartbroken. Bumagsak sa board exam si lalaki. Iniwan ng boyfriend si babae, nag-asawa ng iba habang nasa abroad. Pareho silang malungkot, naglalakad, naghihintay ng sunset nang makaramdam ng gutom at sabay lumapit sa fishball vendor. Binigyan sila ng vendor ng barbecue sticks, para sila na ang tumusok sa bilang ng fishball na bibilhin nila bago ito isawsaw sa sarsa.
Nagkataon, sabay nilang natusok ang isang fishball at nagkahiyaan at sabay pang nagsabi ng, “Ay sorry, sige sa iyo na.” At sabay daw silang naghalakhakan. Iyon ang pumawi sa lungkot nila. Iyon din daw ang naging parang ice-breaker nila para magkausap sila, magkakilalanan habang kinakain ang fishball nila. Iyon daw ang simula ng love story nila. Mula noon, taon-taon, imbes na kumain sa restaurant o maghanda para sa wedding anniversary nila, bumabalik-balik sila sa Manila Bay para kumain ng fishball at sariwain ang pag-ibig nila sa isa’t isa.
Ang sweet naman ano? Parang ganito ang kuwento ng ebanghelyo natin ngayon. Kumbaga sa Salubong na isinasaritwal natin tuwing madaling-araw ng LInggo ng Pagkabuhay, ito ang karanasang Salubong ni San Pedro.
Nasabi ko ito sa homily ko sa Salubong sa Malabon. Nagtataka ako kung bakit napakalakas ng hatak sa atin ng tradisyunal na ritwal na ito bilang mga Pilipino. Banyaga kasi sa atin ang Easter egg hunt sa pagkabuhay. Mas malakas ang dating sa atin ng Salubong. Iyong ritwal mismo na pinakahihintay ng mga nakikisalubong maikli lang—ito ang sandali ng pagtatagpo ni Mama Mary at ng anak niyang muling nabuhay.
Ang imahen ni Mama Mary ay Madre Dolorosa, Inang nagluluksa. Kaya nakabelong itim. Ang pinakahihintay na sandali ng mga dumadalo sa salubong ay ang pagbaba ng anghel para alisin ang belong itim.
Parang isang panalangin ang sandaling iyon. Ang alam kong kahulugan ng Salubong ay welcome. Pero pwede rin palang i-apply ito sa reconciliation o pagkakasundo. May kakilala kasi akong pamilya na nagkadimandahan dahil sa ari-arian. Noong huling kamustahin ko ang isa sa mga magkakapatid, maliwanag na ang mukha niya: “Salamat sa Diyos, bishop, nagkasalubong na rin kaming mga magkakapatid, sa tulong ng judge na kumausap sa amin. Hindi po kasi kami magkasalubong noon una.”
Totoo, di ba? Parang ang dilim ng buhay kapag hindi tayo nagkakasalubóng. Kapag pinaglalayo tayo ng mga hidwaan sa isa’t isa. At ang madalas na pumipigil sa ating pagtatagpo ng pananaw o pagsasalubong ay mga galit, hinanakit, mga bitbit na takot at pangamba o mga paunang hatol na nagiging dahilan para tayo magsara ng puso at isip at hindi na tayo makinig sa isa’t isa. Malungkot talaga ang buhay kapag hindi tayo magkasalubong, kapag nababalutan ang mga buhay natin ng mga belong itim.
Mula pa noong itatwa ni Pedro nang tatlong beses ang Panginoon, dumilim na ang daigdig para sa kanya. Pinadilim ito ng mabigat na konsensya dahil hindi niya napanindigan ang kaibigan niya dala ng matinding takot na baka siya rin ay mapahamak. Kaya sila nagsipagtago at nagkulong doon sa silid na pinagkainan nila ng huling hapunan.
Ang dilim na ito ang dahilan kung bakit hindi niya agad maintindihan ang sinabi ng mga babae na nakita nila ang Panginoon at ang bilin sa kanila ay sabihan daw sina Pedro na magkita-kita sila sa Galilea.
Saan sa Galilea? Napakalaking probinsiya ng Galilea. Luminaw lang kay Pedro kung saan noong maulit ang sitwasyon ng kanilang unang pagtatagpo sa ebanghelyong binasa natin sa Juan 21. Nasa chapter 5 ni San Lukas ang orihinal na kuwento. Pumalpak din sila noon sa pangingisda. Walang nahuli kahit isa. Kabiguan din ang nagpapadilim sa paningin niya.
Kaya di niya agad nakilala ang Panginoon. Buong akala talaga niya, ang taong sumigaw sa kanila mula sa pampang ay isang pulubing matanda na nagdidilihensya lang ng isda. Sabi ba naman, “Mga anak, may nahuli na ba kayo na makakain?” Alam ni Pedro na istrok ng mga nagdidilihensya. Mag-aalok na ipaghanda sila ng apoy na paglulutuan ng maa-almusal nila pagdating sa pampang, kung bibigyan siya ng konting maiuuwi. Kaya nang sabihin niyang “Wala po!” Palagay ko ang gusto talaga niyang sabihin ay, “Patatawarin po! Kay aga-aga nyo namang nagdidilihensya, e wala pa nga kaming huli. Tumahimik nga kayo diyan at nabububulabog ang mga isda. Minamalas tuloy kami sa diskarte.”
Aba, nagsuggest pa ang matanda kung saan ihuhulog ang lambat. Parang humihirit—na ang ibig sabihin, pag sinuwerte kayo pahingi namang konti, ok? Sabi siguro niya, “Sige na nga.” Kaya nang biglang bumigat ang lambat, parang biglang bumalik din sa alaala niya ang unang pagtatagpo nila. Ganitong ganito rin. Alam na niya kung sino ang kausap nila, pero naumid ang dila niya. Ang bunsong alagad ang nakasigaw, “Siya iyon!”
Nakakatawa ang description sa reaksyon ni Pedro—naconscious daw siya na hubad siya kaya dali-daling nagdamit, pero sa kalituhan, lumundag naman sa tubig. Para bang gustong lumubog sa kahihiyan, wala nang mukhang ihaharap sa kaibigan. Dito, ang Panginoon na mismo ang nag-alis sa belong itim na pumipigil sa kanya na lumapit. Maya-maya nasa pampang na rin siya katabi niya. Itong akala niya’y pulubing nagpapalimos ang siya palang magpapakain sa kanila.
Sa pangatlong beses na tinanong siya at pangatlong beses na sumagot siya, noon pa lang luminaw sa kanya kung ano ang ginagawa ng kanyang kaibigan—binubuhay siyang muli. Isang sagot ng pag-ibig sa bawat salita ng pagtatatwa. Ang nabasag nilang relasyon ay binubuo niyang muli. Kaya Salubong ni Pedro ang tawag ko sa eksenang ito.
Hayaan nyong ulitin ko ang dasal na ginawa kong conclusion sa homiliya ko noong Linggo ng Pagkabuhay:
“Panginoong Hesus ng muling pagkabuhay, hinihiling namin na pagsalubungin mo ang mga magkakapatid, magkakamaganak, magkakababayan, lalo na ang mga pinaglalayo ng mga alitan, hinanakitan, at hidwaan. Alisin mo po ang belong itim ng pagdududa at mga paunang hatol, ang mga sama ng loob at masamang pag-iisipsa isa’t isa. Pagtagpuin mo po ang aming mga pananaw sa liwanag ng katotohanan nang may kababaang-loob na makinig, na magsisi sa aming mga pagkakamali, na huwag manghusga, at magsikap na maunawaan ang pinanggagalingan ng bawat isa sa amin. Hayaan mong masilayan namin ang iyong mukha sa bawat isa sa amin upang ang liwanag ng iyong pagkabuhay ang magdulot sa amin ng tunay na pagkakasundo, at aming matanto na kami pala ay hindi iba, na kami’y magkakapatid, na kami’y magkakapamilya dahil tinuring mo kaming lahat bilang iyong mga kaibigan at kapanalig.