1,216 total views
Hinimok ng Military Ordinariate of the Philippines ang mananampalataya na paigtingin ang pagdarasal upang labanan ang mga kasamaang lumalaganap sa pamayanan.
Ayon kay Military Bishop Oscar Jaime Florencio kinakailangan ang taimtim na pananalangin sa Panginoon para wakasan ang mga gawaing naglalayo sa ugnayan ng Diyos at ng tao.
Ito ang tugon ng obispo sa ginanap na SatanCon ng Satanic Temple sa Boston Estados Unidos noong Abril.
“Tayo ay magdasal palagi ng rosaryo every day. We need to pray without ceasing because the devil is just prowling lion ready to devour,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Tinukoy ni Bishop Florencio ang iba’t ibang gawaing laganap sa pamayanan na nagpapahina sa pananampalataya na isang paraang siluin ang tao tungo sa landas ng kadiliman.
Sa ginanap na pagtitipon nilapastangan ng grupo ang mga sakramento, ang katawan ni Kristo at ang Bibliya kung saan nakalathala ang mga Salita ng Diyos.
Una nang humiling ng panalangin sa mananampalataya ng Office of Exorcism ng Archdiocese of Manila para sa kahalintulad na mga gawain ng SatanCon na lubhang mapanganib sa espiritwalidad ng tao.
Partikular na tinukoy ng Office of Exorcism ang St. Michael Chaplet kung saan si St. Michael the Archangel ang tinaguriang lumalaban sa kasamaan.
Ang Chaplet of St.Michael ay tinatawag ding Rosary of Angels na inaprubahan ni Pope Pius IX noong 1851.
Ilan sa mga grasyang matatanggap sa pagdarasal ng chaplet ang pagtatanod ng mga anghel tuwing tumatanggap ng Banal na Komunyon, at ang patuloy na paggabay ng mga anghel sa buhay at kamatayan ng tao.