22,863 total views
Tiniyak ng Pasig Catholic College na higit na palalawakin ang pagbabahagi ng kaalaman at kasanayan sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng katolikong edukasyon.
Ito ang mensahe ni PCC President Fr. Daniel Estacio kaugnay sa weeklong celebration ng 111th founding anniversary ng institusyon mula February 12 hanggang 16, 2024.
Ayon kay Fr. Estacio, na siya ring superintendent ng Pasig Diocesan Schools System (PaDSS), patuloy na isinasabuhay ng institusyon ang misyon ng synodality o sama-samang paglalakbay, kung saan ang edukasyon ay hindi lamang para sa iilan, kun’di para sa lahat.
Tema ng anibersaryo ang PCC@111 Enlarging Our Tents: Walking Together to do Justice and to Love Goodness, and to Walk Humbly with Your God, na hango sa aklat ni Propeta Mikas.
“That means ‘yung tent na ‘yan na tinatawag natin sa tagalog na kulandong, ibig sabihin embracing everyone to become part of that tent. That means ‘yung ating education na ibinibigay is an inclusive education—para sa lahat,” pahayag ni Fr. Estacio sa panayam ng Radio Veritas.
Nagpapasalamat naman si Fr. Estacio dahil sa loob ng 111-taon ay patuloy na ginagampanan ng PCC ang tungkuling makapaghatid ng mataas na kalidad ng edukasyon upang hubugin ang mga kabataan sa pagiging mabubuting mamamayan.
Gayundin ang misyon ng institusyon bilang katuwang ng Diyosesis ng Pasig sa pagpapalaganap ng pananampalatayang katoliko.
“Kaya it’s a celebration of gratitude and joy, thanking the Lord for the 111 years of existence of Pasig Catholic College,” ayon kay Fr. Estacio.
Taong 1913 nang itatag ng Congregation of the Immaculate Heart of Mary o CICM Missionaries ang Pasig Catholic College sa pangunguna ni Fr. Pierre Cornelis de Brouwer, CICM.