780 total views
Ikinagalak ng opisyal ng Archdiocese of Manila ang matagumpay na paglunsad sa sama-samang pagdarasal ng Santo Rosaryo ng mga kawani ng arkidiyosesis.
Ayon kay Fr. Sanny De Claro, Episcopal Vicar for Lay Employees ng arkidiyosesis ito ang kauna-unahang pagkakataon na isasagawa ang pagbubuklod sa panalangin ang mga kawani.
“Nagalak ang puso ko katulad ng Mahal na Birhen kasi for the first time lahat ng empleyado ng Archdiocese of Manila nagsama-sama kami para magdasal ng banal na rosaryo, its only Mary who can gather this, lalo na sa panahon ngayong kailangan talaga ang debosyon natin sa banal na rosaryo” pahayag ni Fr. De Claro sa Radio Veritas.
Matapos ang santo rosaryo sinundan ito ng Banal na Misa na pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula kasama ang mga pari ng arkidiyosesis.
Sa homiliya ng arsobispo sinabi nitong maituring na ‘compendium’ ng bibliya ang santo rosaryo sapagkat inilalahad dito ang buhay ni Hesukristo mula pagsilang hanggang sa muling pagkabuhay.
Sinabi ng cardinal na tinuturuan ng Mahal na Birhen ang tao sa pananalangin, pagiging matiyaga at matapat sa buhay panalangin tulad ng mensahe nito sa mga pagpapakita sa Lourdes at Fatima.
Iginiit ni Cardinal Advincula na sa pamamagitan ng santo rosaryo ay mapapalalim ng tao ang ugnayan sa Panginoon at magpapalago sa pananampalataya.
Kinilala naman ni Fr. De Claro ang Radio Veritas na katuwang ng simbahan sa pagsusulong sa debosyon ng Santo Rosaryo kabilang na ang pagsahimpapawid na mapakinggan ng mas malawak na pamayanan.
Iginiit ng pari ang kahalagahan ng pagbubuklod sa santo rosaryo tungo sa mas maayos na lipunan.
“We pray the rosary as a family, as a community as a group, individual or as an institution and this will be a better world when we pray the rosary,” ani Fr. De Claro.
Lumahok sa pagdiriwang ang isanlibong kawani at volunteer’s ng Archdiocese of Manila kabilang na ang kawani ng mga parokya, institusyon at mga seminaryo.
Ginanap ang sama-samang pagdarasal ng santo rosaryo sa Manila Cathedral sa harap ng nakadambanang imahe ng Our Lady of Holy Rosary La Naval De Manila.