328 total views
Dinagsa ng mga mananampalataya ang Heart Relic ni St. Padre Pio sa National Shrine of St Padre Pio sa Santo Tomas Batangas.
Nauna rito, libu-libong mga mananampalataya ang sumalubong sa pagdating ng Heart Relic ni St. Padre Pio sa Ninoy Aquino International Airport.
Ayon kay father Joselin Gonda, Rector ng National Shrine, kakaiba ang ipinakitang pananabik ng mga Pilipino dahil kahit sa airport pa lamang at sa pagdating nito sa dambana ay tuwang tuwang sinalubong ito ng mga mananampalataya bitbit ang kanilang mga kandila.
“Kakaiba, pagdating pa lamang namin sa airport ay kinuyog na ng mga taga airport na tao. Pagdating namin dito libu libo na ang tao mula kaninang madaling araw napakarami nang lumalapit. Ito’y palatandaan ng malalim na debosyon ng mga tao kay Santo Padre Pio at malalim na pananampalataya ng mga pilipino.” Pahayag ni Father Gonda sa Radyo Veritas
Sa unang araw ng heart relic sa pambansang dambana ay nagdaos ng banal na misa bilang pagtanggap dito.
Sa lunes ika walo ng oktubre magsisimula na ang pag iikot nito sa buong bansa.
Sa Luzon ay napili ang Archdiocese of Manila bilang host ng pagdating ng relic, sa Visayas ay pangungunahan ito ng Archdiocese of Cebu, at Archdiocese of Davao naman ang mangangasiwa sa pagbisita nito sa Mindanao.
Ayon kay Apostolic Nuncio to the Philippines Abp. Gabriel Giordano Caccia, ang pag ikot ng heart relic sa buong bansa ay tanda ng paglalakbay natin sa buhay na kaagapay ang mga Santo na tumutulong upang lalo tayong mapalapit sa Panginoon at masumpungan ang kanyang pag ibig.
“The fact that the relic are going around the country remind us that we are always on journey. But we have to walk in our journey with good friends and the saints are good friends who guide us and help us to find our own way so we can fully reach the final destination which is the love, the mercy, and the joy that are in God and in the Saints.” Pahayag ni Abp. Caccia sa Radyo Veritas
Samantala, inanyayahan naman ni Abp. Caccia ang mga mananampalataya sa pagdating ng heart relic sa University of Santo Tomas at Manila Cathedral.
Sa UST gaganapin ang espesyal na pagbibigay galang sa relikya ng mga Pari relihiyoso at relihiyosa bilang bahagi bg Year of the Clergy and Consecrated Persons.
Sa Manila Cathedral naman ay inaasahang dadagsa din ang mga mananampalataya kaya naman bubuksan ito ng 24 oras para sa mga deboto.
“This is an opportunity to experience the power of being a church family, together with the Saints and this is an occasion to improve our situation to be closer to God, to change what should be changed in our life and to be better person for our peace but also for the joy of other. So those who can please go.” Dagdag pa ni Abp. Caccia
Sa unang araw pa lamang ng Heart Relic ni St. Padre Pio ay tinatayang 40 libong mananampalataya na ang dumating sa National Shrine of St. Padre Pio sa Sto. Tomas Batangas.
Mananatili naman ito sa bansa hanggang sa ika 26 ng buwan.