566 total views
Mga Kapanalig, matapos ipagpaliban noong 2022 dahil sa pandemya, ibinalik ngayong taon ang World Youth Day. Ginanap ito sa lungsod ng Lisbon sa bansang Portugal mula August 1 at natapos nitong Linggo, August 6. Hindi bababa sa 1,500 na Pilipino ang dumalo sa pagtitipong ito ng mga kabataan at ng Santo Papa. Kabilang sila sa mahigit 300,000 na youth pilgrims mula sa iba’t ibang bansa.
Ang tema ng World Youth Day para sa taóng ito ay hango sa Lucas 1:39 kung saan matutunghayan natin si Maria na nagmadaling maglakbay patungo sa Juda upang bisitahin si Elizabeth. Ito ay matapos niyang malamang siya ang magiging ina ni Hesus. Sa Ingles, “Mary arose and went with haste.” Ayon kay Pope Francis, ang temang ito ay isang paanyaya sa kabataang maglakbay upang maglingkod at tumulong sa kanilang kapwa.
Mabigat na paanyaya ito para sa kabataang Pilipino, lalo na’t sa ating kultura, inaasahan silang suportahan ang kanilang pamilya—mula sa pag-aalaga sa tumatandang mga magulang hanggang sa pagtulong sa mga kapatid na nag-aaral. Mas mabigat ang responsabilidad ng kabataang mula sa mahirap na pamilya. Sila ang inaasahang mag-aahon sa kanilang pamilya mula sa kahirapan at magbibigay ng mas maginhawang buhay. Kaya naman, laging idinidikdik sa isipan ng mga batang mag-aral nang mabuti, magtapos ng pag-aaral, at maghanap ng magandang trabaho. May mga magulang na nais nilang tanggapin ng kanilang mga anak ang mga trabahong mas malaki ang suweldo, kahit pa kaakibat nito ang pangingibang-bansa. Tila mas matimbang ang layuning matulungan ng mga anak ang kanilang pamilya sa halip na makamit nila ang kanilang mga pangarap at ambisyon sa buhay.
Kaya sa survey na ginawa noong 2021 ng Social Weather Stations (o SWS), hindi na katakatakang lumabas na ang pinakamahalagang hangarin o aspirations and life goals ng kabataang Pilipino ay ang matulungan ang kanilang mga magulang at mga kapatid. Nasa 72% ng mga respondents edad 15 hanggang 30 ang nagsabing ito ang kanilang prayoridad. Malayo ito sa iba pang mga life goals katulad ng makapagsarili (na nasa 36%), makapagtapos sa kolehiyo (na nasa 29%), at magkaroon ng sariling negosyo o makahulugang trabaho (na nasa 28% naman).
Tunay ngang napakalakas ng ating debosyon sa ating pamilya, at isa ito sa mga positibong katangiang lagi nating ipinagmamalaki. Ngunit may negatibo rin itong epekto sa ating kabataan, lalo na’t maaaring kaakibat ng pagmamahal na ito sa pamilya ang tila ba pagpapasa sa kanila ng bigat ng pagtataguyod ng kanilang mga magulang at nakababatang kapatid. Sa panahong nag-aaral sila hanggang sa nagsisimula sa trabahong kanilang napili—kung mayroon man silang makuhang trabaho—pasan-pasan na nila ang bigat ng responsabilidad sa buhay. Maraming pagkakataong nagiging hadlang ito sa kanilang kalayaan at nakaaapekto pa sa kanilang kalusugan.
Masasabing ang pagsuporta sa pamilya ay katulad na rin ng paglilingkod sa kapwa, na siyang binibigyang-diin ng tema ng World Youth Day ngayong taon. Ngunit sa paglilingkod na ito—sa pagbibigay ng kabataan ng bahagi ng kanilang sarili sa iba—hindi sana nakalilimutang may mga pangarap din silang nais abutin, mga talentong dapat linangin, at dignidad na dapat pahalagahan. Si Pope Francis mismo na rin ang nagsabi sa Catholic social teaching na Amoris Laetitia na ang mga anak—ang kabataan—ay hindi pag-aari ng pamilya. Mayroon silang sariling buhay. Katulad ng pahiwatig sa Lucas 9:59-62 kung saan may paalala si Hesus sa mga nais sumunod sa Kanya, mayroon tayong bokasyong mas malaki pa sa ating pamilya.
Mga Kapanalig, tayong mga nakatatanda ay inaanyayahang samahan ang kabataan sa kanilang paglalakbay, hindi ang maging hadlang sa kinabukasang naghihintay sa kanila.
Sumainyo ang katotohanan.