2,795 total views
Paigtingin ang pakikinig sa hinaing ng sektor ng edukasyon upang tugunan ang illiteracy o hindi pagkatuto ng mga kabataan na makapagbasa at magsulat.
Ito ang panawagan ni Vladimer Quetua ng Alliance of Concerned Teachers kasabay ng paggunita ng ‘International Literacy Day’.
Ayon kay Quetua sa pamamagitan ng tugon ng pamahalaan sa kakulangan ng mga guro ay madaragdagan din ang bilang ng mga mag-aaral at matututukan ang pagtuturo sa mga bata.
“Sa katunayan pang-79 tayo sa buong Asya doon sa functional illiteracy kaya nakakalungkot dahil sa ganitong araw sana na pagkilala, hindi naman simpleng pagkilala kungdi pagsuporta sana ng gobyerno doon sa ganoong datos o ganoong kalagayan subalit sa nakikita natin mukhang hindi sosolusyunan nung budget sa darating na panahon yun ganitong kalagayan ng ating bansa,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Quetua.
Nababahala rin opisyal ng ACT na maaring madagdagan pa ang mga kabataan hindi marunong magbasa at magsulat lalo’t mas mababa ang bilang nagpatalang mag-aral ngayong taon na batay sa datos ng Department of Education ay 25-milyong na kumpara sa bilang ng nakalipas na S.Y 2022-2023 na may 28-milyon.
Tiniyak naman ni Quetua ang patuloy na pananawagan sa pamahalaan na isusulong ang kapakanan ng mga mag-aaral, at iba pang bumubuo sa education sektor upang makamit ang katarungan panlipunan.
Sa datos, umaabot sa mahigit tatlong milyon sa populasyon ng mga 18-taong gulang pataas ang hindi marunong magbasa at magsulat.
Habang ayon sa datos ng World Bank, apat sa kada sampung batang mag-aaraal na nasa edad 10- taong gulang pababa ang hirap o hindi makaintindi maging ng payak na pangungusap na sanhi ng nagdaang pandemya.
Una na ring nananawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa pamahalaan na tugunan ang suliranin ng learning poverty na nararanasan higit na ng mga kabataang mag-aaral.