2,213 total views
Ang mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco para sa panahon ng Kuwaresma ay isang paanyaya upang samahan si Hesus sa kanyang paglalakbay patungo sa Herusalem.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle – Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples sa Pontificio Collegio Filipino sa Roma kaugnay sa pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.
Ayon sa Cardinal, isang magandang pagkakataon ang panahon ng Kuwaresma upang tupdin ang kaloob ng Panginoon para sa bawat isa tulad ng ipinamalas ni Hesus na buong pusong pagsunod sa Diyos maging sa pag-aalay ng kanyang buhay para sa kaligtasan ng bawat isa.
“The Pope’s message for this Lenten Season is an invitation for us to go with Jesus to Jerusalem. He [Jesus] would take this journey only for God. In obedience to God. And by obeying God he will offer his life for others.” pagninilay ni Cardinal Tagle.
Nagpahayag naman ng pakikiisa ang Cardinal para sa patuloy na paghahanda ng Pilipinas sa ika-500 taon ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa bansa ngayong taong 2021.
Inihayag ni Cardinal Tagle na higit na mahalagang pagkakataon ang panahon ng Kuwaresma para sa mga Filipino ngayong taon lalo na’t isa itong naaangkop na paghahanda para sa paggunita ng makasaysayang unang binyag na naganap sa Pilipinas.
“For us in the Philippines, this [Lenten season] is significant. Because this year 2021, we’re celebrating the 500th anniversary of the first baptism. The first baptism. So let us spend this whole Lenten season in preparing ourselves as baptized. To die with Christ. Baptism is a dying with Christ and also rising to new life with Christ.”Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Ayon kay Cardinal Tagle, bukod sa isang paanyaya ang panahon ng Kuwaresma upang buong pusong sumunod sa Panginoon tulad ng halimbawa ni Hesus ay isa rin itong pagkakataon para sa ganap na pagbabalik-loob at pagpapanariwa ng pananampalataya.
Ang panahon ng Kuwaresma na nagsimula noong Miyerkules ng Abo ay ang 40-araw na paghahanda ng mga Katoliko para sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus upang iligtas ang sanlibutan mula sa kasalanan.