490 total views
Hinihikayat ng Military Ordinariate of the Philippines ang mananampalataya na samantalahin ang biyayang hatid ng pananalangin at pagbisita sa mga itinalagang jubilee churches bilang paggunita ng Year of St. Joseph at ng ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas.
Ayon kay Military Diocese Bishop Oscar Jaime Florencio pambihira ang biyaya na hatid ng mga nasabing Simbahan kung saan ang Apostolic Penitentiary ay nagkaloob ng indulhensya plenarya sa mga bibisita at mananalangin sa mga pilgrim churches sa iba’t ibang diyosesis at arkidiyosesis sa buong bansa.
Inihayag ng Obispo na isa ring magandang pagkakataon ang jubilee year sa bansa upang higit na maipanalangin na mawakasan na ang COVID-19 pandemic na nagdudulot ng malawakang krisis sa buhay ng bawat isa.
“Hinihikayat ko ang mga tao that they have to para bang take the opportunity that there is this jubilee churches because of jubilee indulgences and at the same time also ito ay siguro maganda ring gamitin natin to have you know prayer for this COVID-19.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Oscar Jaime Florencio sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Bishop Florencio maging ang Military Diocese ay mayroon din 3 itinalagang jubilee churches na maaaring puntahan ng mga mananamapalataya.
Ang mga ito ay ang Saint Ignatius Cathedral sa Camp Aguinaldo, ang St. Joseph Chapel sa Camp Crame at ang Shrine of St. Therese sa Pasay City.
“Meron kaming jubilee churches ng Military Ordinariate, ito po ay nasa Manila lahat. Unang una ito ay nasa sa HQ sa Camp Aguinaldo, yung Saint Ignatius Cathedral isa po yang jubilee church that’s the cathedral of bishop of the Military Ordinariate, pangalawa yung sa Camp Crame yung St. Joseph Chapel dun sa Crame and then the Shrine of St. Therese dito sa Pasay sa may Resorts World so these are the 3 jubilee churches.” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Sa kabuuan may mahigit sa 500 mga Simbahan sa buong bansa ang mga itinalagang “pilgrim churches” bilang paggunita ng Taon ni San Jose at ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.