146 total views
Hinamon ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga bumubuo sa Philippine Conference on New Evangelization na ipagpatuloy ang PCNE sa pamamagitan ng pakikilakbay sa kapwa.
Sa isinagawang thanksgiving mass para sa mga volunteers ng PCNE noong ika-16 ng Agosto, pinasalamatan ni Cardinal Tagle ang mga tumutulong sa matagumpay na pagsasagawa taun-taon ng PCNE.
Sinabi ng Kardinal na naisasakatuparan ito dahil na din sa sama-samang paglalakbay ng mga volunteers kasama si Kristo.
Binigyan diin ni Cardinal Tagle sa kanyang pagninilay na mahalagang si Hesus ang maging kalakbay sa tuwina ng mga mananampalataya lalo na ng mga kabataan upang maakay ang mga ito patungo sa kaligtasan.
Ipinaliwanag ng Kardinal na kung ang kalakbay ng isang lipunan ay si Kristo, matatawag itong bayan ng Diyos.
Subalit pinaalalahanan din nito ang mga mananampalataya na huwag makalilimot at tiyakin lagi na tunay na si Hesus ang kanilang kalakbay at hindi ang mga nagpapanggap lamang na ibang diyos.
“Kung ang kalakbay mo ay Diyos, magiging bayan ka ng Diyos. Kung ang kalakbay mo ay iba, bayan ka noon. Kanino ka nakikipaglakad? Sino ang kalakad mo? Huwag kalilimutan. Ang paglimot ay paglalakad ng solo o baka kasama nyo na ang ibang diyos?” Pahayag ng Cardinal sa kan’yang pagninilay.
Sinabi pa ni Cardinal Tagle na ang paglalakad kasama si Hesus ay maihahalintulad sa tipan ng kasal dahil nangangako ang tao na hindi ito kailanman hihiwalay sa Panginoon.
Ang pakikipagtipan ng tao sa Diyos ay nangangahulugan din ng pagmamahal at pag-aalaga nito sa mga iniibig ng Panginoon, tulad ng pagkalinga sa mga mahihirap, may sakit at paggabay sa mga kabataan.
“The covenant of marriage is a walking together. Walking really means a covenant relationship and never forgetting how God walked with me and young people needs guide. If young people were guided to discover them, then their hearts will be faithful and they will walk with God and walk with those whom God loves, the wounded, the despised, the abandoned, the forgotten.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Taong 2013 nang sinimulan ng Archdiocese of Manila Office for the Promotion of the New Evangelization ang pagoorganisa ng Philippine Conference on New Evangelization.
Ngayong 2019 ang ika-6 na taon ng pagsasagawa nito kung saan libu-libong mananampalataya ang dumalo mula sa iba’t-ibang Diyosesis, Arkidiyosesis at mga institusyon sa buong Pilipinas.
Umaasa naman ang OPNE na sa ika-7 taon ng pagsasagawa ng PCNE sa taong 2020 ay lalo pang mapayayabong ang pamamaraan sa pagpapakalat ng mabuting balita ng Panginoon.