445 total views
Hinimok ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang mamamayan na paunlarin at lawakan ang kamalayan sa political system ng bansa.
Ito ang mensahe ng obispo sa katatapos na 2022 national and local elections noong Mayo 9 kung saan iginiit na marami pa ang nararapat baguhin sa sistema ng paghalal ng mga lider ng bayan.
Paanyaya ni Bishop Santos sa mamamayan na pagnilayan ang nagdaang halalan upang matuto at magkaroon ng sapat na paggabay sa mga susunod na eleksyon.
Hamon ng opisyal sa mga Pilipino ang pakikiisa sa pagkamit ng pagbabago ng lipunan na nararapat simulan sa sarili.
“Kilalanin po natin at tanggapin na mayroon pa rin magagawang pagbabago. Tunay po na mayroon dapat pang ayusin, alisin at linisin. Totoo po na mayroon pa tayong magagawang maganda at mabuti. Aminin po natin mayroon rin dapat baguhin. Datapuwa’t nararapat lamang na simulan natin ito sa ating mga sarili. Unahin po natin ang pagtutuwid at pagtatama sa ating mga sarili,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Batid ng obispo ang pananatili ng vote buying at vote selling sa bansa bukod pa ang popularity mentality gayundin ang political dynasty at paniniwala sa fake news.
Ayon pa nni Bishop Santos bilang kristiyano nararapat na tanggihan ang anumang uri ng maling gawain sa halip ay isulong ang mabuting halimbawa sa pagpili ng mga lider ng bayan.
“Magagawa pa rin natin pumili, sumulat at kumilos ayon sa isinasaad ng ating konsensiya, batay sa moralidad at wastong asal at batay sa mga Kautusan ng Panginoong Diyos,” giit ni Bishop Santos.
Hamon ng obispo sa bawat isa lalo na sa mahigit 60-milyong botante na pagnilayan ang pakikilahok sa halalan at humingi ng kapatawaran sa Panginoon kung nakalalabag sa kanyang kautusan sa pagpili ng mga kandidato.
“Kung tayo man ay lumabag sa Kanyang mga Kautusan, ang lahat ng ito ay ating pagsisihan. Kung tayo man ay sa ating salita at gawa higit sa lahat noong Halalan ay hindi nakapagdulot ng pagpaparangal sa Kanyang kadakilaan, tayo ngayon ay magtika at mangako na hindi na ito magaganap na muli sa ating pamumuhay,” saad pa ni Bishop Santos.
Pinasasalamatan naman ng obispo ang mga naglingkod sa halalan sa pangunguna ng Commission on Elections, Philippine National Police, Philippine Army, Department of the Interior and Local Government, Department of Education at higit sa lahat ang mga volunteer’s ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting.
Pinasalamatan din ng obispo ang mamamayan sa Bataan na sumunod sa nilagdaang Peace Covenant na nagdulot ng matagumpay na halalan.