552 total views
Mas pinaigting ng Caritas Manila ang mga programa para sa mahihirap at nangangailangan ngayong kuwaresma.
Sa panayam ng programang Caritas in Action sa Division Head ng Financial Stewardship Department ng Caritas Manila na si Ms. Rye Zotomayor, sinabi nito na abala ang kanilang hanay sa iba’t ibang fund raising campaign ngayong lenten season.
Una na dito ang nalalapit na online concert ng Caritas Manila katuwang ang Viva Live Inc. na PADAYON o Pag-ibig, Damayan sa Pag-ahon na gaganapin sa ika-25 ng Marso 2022 kung saan itatampok ang ilang kilalang mang-aawit mula sa Viva.
Layun ng konsyerto na makalikom ng pondo para sa pagpapakumpuni ng mga simbahan sa 10 Diyosesis sa bansa partikular na sa Visayas at Mindanao.
“Ngayon po ay meron tayong fund raising online concert na mangyayari sa March 25, Ito ay for the reconstruction ng mga Chapel o Simbahan na nasira ng bagyong Odette. Sila po ay tutulungan natin na maitayo muli” pahayag ni Zotomayor.
Ang mga makikiisa ay maaring mag-avail ng P1, 000: P3, 000 at P5,000 tickets.
“Ang halaga po nito ay P1,000, P3,000 at P5,000 pwede po kayo mag-avail ng ticket through KTX website o kaya sa mga bank account ni Caritas Manila, padalhan nyo lang po kami ng deposit slip for confirmation para mapadala namin ang link sa March 25”
Abala din ang Caritas Manila para sa Alay Kapwa Program kung saan nag-iipon ng pondo ang Simbahan para naman magamit sa oras ng kalamidad.
“Ito po ay sa Damayan Program bilang paghahanda sa mga parating na sakuna at krisis at kasama po dito ang programang Caritas in Action sa [Radio Veritas] kung saan tumutulong tayo sa mga may sakit o karamdaman” pahayag pa ng kinatawan ng Caritas Manila.
Inaasahan na sa ika-11 ng Abril, Lunes santo ay magsasagawa ng isang araw na Alay Kapwa Telethon 2022 ang Caritas Manila at Radyo Veritas kung saan mapapanood at mapapakinggan ang iba’t-ibang pagpapatotoo at pagninilay ng mga lider ng Simbahan patungkol sa kahalagahan ng pagtutulungan.