307 total views
May 21, 2020, 12:30PM
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Health Care (CBCP-ECHC) ang mamamayan na huwag maging kampante sa paligid dahil laganap pa rin ang corona virus.
Ayon kay Camillan Priest Reverend Father Dan Cancino, MI, Executive Secretary ng komisyon, kahit magkaiba ang lebel ng quarantine na ipinatutupad ng pamahalaan ay dapat panatilihin ng tao ang labis na pag-iingat sa kalusugan upang maiwasan ang pagkahawa sa COVID 19.
“Huwag tayong maging kampante, kahit nasa iba’t- ibang level tayo ng quarantine dapat panatilihin natin ang tamang kamalayan at kaalaman tungkol sa minimum public health standards,” pahayag ni Fr. Cancino sa Radio Veritas.
Muling pinaalalahanan ng Camillan doctor-priest ang mamamayan na ugaliin ang pagsusuot ng face masks, paggamit ng 70% solution hand sanitizers, paghuhugas ng kamay, regular na pag-check sa kalagayan at temperatura ng katawan bilang mga pangunahing hakbang upang mapigilan ang paglaganap ng virus.
Ito rin ang tugon ni Fr. Cancino sa magkaibang pahayag nina Department of Health Secretary Francisco Duque at Executive Secretary Salvador Medialdea kung saan naunang sinabi ni Duque na nasa second wave na ang transmission ng virus sa bansa mula noong Marso na agad namang itinanggi ni Medialdea.
Ipinaliwanag ni Father Cancico na magkakaiba ang pagkaunawa ng tao sa salitang ‘wave’ ngunit paalala nito mas mahalaga ang pag-iingat para sa kalusugan.
“Anumang wave mayroon tayo, mas maganda at mahalaga na vigilant tayo sa nangyayari dahil may virus o yung COVID na ating nilalabanan; ang sapat na kaalaman sa minimum phealth standards ay magbibigay sa atin ng tamang proteksyon,” dagdag ni Fr. Cancino.
Sa pinakahuling tala ng DOH mahigit na sa 13-libong Filipino ang nahawaan sa bansa kung saan 22 porsyento dito ang gumaling na sa karamdaman habang anim na porsyento naman ang nasawi.
Binigyang diin ni Fr. Cancino na kahit alisin na ng pamahalaan ang quarantine sa buong bansa ay mananatili ang virus sa paligid kaya’t mahalaga ang patuloy na preventive measures dahil lubhang mapanganib sa kalusugan ang pagiging pabaya.
Sinabi ng Pari na dapat ding ituring ang sarili na potential asymptomatic carrier ng virus na maaring makahawa sa kapwa kaya mahalagang pairalin ang pagiging maingat para sa kapakanan ng bawat isa.
Hinikayat din ni Fr. Cancino ang simbahan at iba pang sektor ng lipunan na tumulong ipaunawa at ituro sa mga nasasakupan ang mga wastong pag-iingat na gagawin upang mapigilan ang pagdami ng transmission.