187 total views
Napapanahon na upang magising ang mamamayan sa mga malulungkot, marahas at magulong nagaganap sa ating bansa.
Panalangin ni Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez, chairman ng Ecumenical Bishops Forum na mabuhay ang paninindigan at pananagutan ng bawat Filipino para sa kabutihan ng bansa.
Umaasa ang Obispo na malaman at maunawaan ng sambayanang Filipino ang tungkulin na dapat na gamapanan upang masolusyunan ang mga maling nagaganap sa lipunan partikular na ang patuloy na karahasan, kasinungalingan at kawalan ng katarungan na nananaig sa bayan.
Iginiit ni Bishop Iniguez na dapat sama-samang suriin ng lahat ang mga nagaganap sa lipunan upang makabuo ng kongretong hakbang at maipamalas ang pagiging makabayan na may iisang pananalangin sa Panginoon na maisaayos ang kalagayan ng bansa.
“Sa nangyayaring ito, nawa’y maging isang paraan upang magising tayo sa malungkot na nangyayari sa ating bansa at dito nawa ay ating madama na tayo bilang bahagi ng sambayanang ay mayroon pananagutan na mabigyan ng lunas itong malungkot na pangyayaring ito. Suriin natin ang mga nangyayaring ito at mula doon kumilos tayong sama-sama bilang mga magkababayan at mga nagkakaisa sa pananalig sa Diyos…”pahayag ni Bishop Iniguez sa panayam sa Radyo Veritas.
Itinuturing ng Obispo na isang masaklap na pangyayari sa bansa ngayon ang maling pamumuno ng mga opisyal ng bansa na nagpapahirap sa mamamayan.
“Para sa akin ang napakasaklap ngayon ay yung mga namumuno sa atin na dapat ay naglilingkod para sa ating kapakanan ay waring sila pa ang pinagmumulan nitong mga mararahas at malulungkot na mga pangyayari sa ating bansa ngayon…” Dagdag pa ni Bishop Inguez.
Matatandaang pinangunahan ni Bishop Iniguez ang isinagawang solidarity mass bilang paggunita sa National Day of Mourning and Protest noong ika-20 ng Agosto kung saan sama-samang nagpahayag ng pagluluksa at pagkundina ang mga mananampalataya mula sa iba’t ibang denominasyon ng Simbahan at mga sektor ng lipunan sa nagaganap na kawalan ng katarungan sa bansa.
Pinuna ng iba’t-ibang grupo ang patuloy na karahasan sa Negros island kung saan mahigit sa 85-indibidwal na ang pinaslang mula noong 2017 na hindi pa rin nabibigyang katarungan gayundin ang patuloy na pagpatay sa war on drugs ng administrasyong Duterte.