175 total views
Hinimok ni Father John Leydon, convenor ng Global Catholic Climate Movement ang mga Filipino na lumagda sa Laudato Si Pledge ngayong ikalawang anibersaryo ng Encyclical ni Pope Francis na Laudato Si.
Ipinaliwanag ng Pari na ang “Laudato Si Pledge” ay pangako sa kalikasan na tayo ay mamumuhay ng may pakialam at may malasakit sa ating kapaligiran at sa susunod pang henerasyon na makikinabang dito.
Bahagi rin nito ang pananalangin para sa patuloy na pagyabong ng san nilikhang nagbibigay ng buhay sa bawat nilalang, aktibong pagsasabuhay at pakikibaka para sa adbokasiya na protektahan ang kalikasan.
Kaugnay dito, ngayong sabado ika-17 ng Hunyo, inaanyayahan ang lahat na dumalo sa paglulunsad ng Laudato Si Pledge sa La Consolacion College Manila Auditorium, Mendiola St., San Miguel, Manila, simula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
“Inaanyayahan ng Global Catholic Climate Movement Pilipinas [ang bawat isa] na dumalo sa isang napakahalagang activity, ito ay ang Launching ng Laudato Si Pledge kung saan yung mga tao, [will] give their commitments na isabuhay ang pagtuturo ng ating mahal na Papa na si Pope Francis sa pagsabuhay at pagtutupad ng mga turo niya sa Encyclical na Laudato Si,”imbitasyon ni Father Leydon.
Libre at walang kinakailangang registration fee ang programa na sisimulan sa pamamagitan ng Banal na Misa sa pangunguna ni Diocese of Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, Jr. na susundan ng pagpapalalim ng pag-unawa sa Encyclical na Laudato Si’ at ang hamon ng Santo Papa sa bawat indibdwal na mahalin at arugain ang nag-iisa nating tahanan.
Inaasahan ding dadalo sa pagtitipon ang Founder at Executive Director of Global Catholic Climate Movement na si Tomas Insua.
Ang Laudato Si ang ikalawang encyclical na nilathala ni Pope Francis kasunod ng Lumen Fidei.
Gayunman, ito ang itinuturing na kauna-unahang encyclical na patungkol sa tamang pangangalaga sa Kalikasan.