553 total views
Inaanyayahan ng Radio Veritas ang mga kapanalig na makibahagi sa isasagawang special programming ng himpilan kaugnay sa Earth Hour 2022.
Ito ay “Ang Banal na Oras: Earth Hour 2022 #ShapeOurFuture” na isasagawa ngayong Sabado, March 26 mula alas-otso hanggang alas-diyes ng gabi.
Tatalakayin dito ang iba’t ibang usapin sa lipunan na nakakaapekto sa kapaligiran, gayundin ang gampanin ng simbahan sa pagtiyak na napapangalagaan ang kalikasan sa patuloy nitong pagkasira sanhi ng gawain ng mga tao at pagbabago ng klima ng daigdig.
Kabilang sa mga magbabahagi sa programa sina Rodne Galicha, executive director ng Living Laudato Si’ Philippines na tatalakayin ang paksang “The Church in Shaping Our Future”; Giselle Lapid, miyembro ng World Wide Fund for Nature – Philippines National Youth Council na tatalakay sa “The Youth in Shaping Our Future”; at si Attorney Angela Ibay, National Director ng WWF – Philippines na tatalakay naman sa “Earth Hour 2022 – Shape Our Future”.
Dito’y hinihimok din ang lahat na patayin ang mga ilaw at iba pang kagamitang de kuryente sa ganap na alas-8:30 hanggang alas-9:30 ng gabi habang kasabay naman ang pagdarasal ng Santo Rosaryo na pamumunuan ng Congregation of Mother of Sorrows – Servants of Mary o ang Servite Sisters.
Magsisilbi namang anchor ng programa si Fr. Angel Cortez, OFM, miyembro ng International Steering Committee ng Laudato Si’ Action Platform ng Vatican Dicastery for Integral Human Development.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng WWF – Philippines at ng Conference of Major Superiors in the Philippines.
Mapapakinggan naman ang special programming sa Radio Veritas 846 AM at mapapanuod sa DZRV 846 facebook page at Veritas TV sa Skycable Channel 211.