226 total views
Kinakailangang maipakita ng sambayanang Filipino ang pagtutol sa mga panukalang hindi tunay na makatutugon sa pagpapabuti ng buhay ng mga mamamayan.
Ito ang panawagan ni Sr. Mary John Mananzan, OSB – Convenor ng Kontra Daya at Movement Against Tyranny (MAT) kaugnay sa pagkakahalal ng mga kaalyado ng kasalukuyang administrasyong Duterte sa katatapos lamang na midterm elections.
Ipinaliwanag ng Madre na dahil sa pagkakapanalo ng mga kaalyado ng administrasyon ay maituturing na kontrolado ng pamahalaan ang Senado na malaki ang papel na ginagampanan sa pagbabalangkas ng mga bagong batas.
Kabilang sa mga tinukoy ng madre na mga panukalang dapat bantayan ng mamamayan upang hindi maisabatas ang pagbabalik ng death penalty, cha-cha, federalism, anti-family bills.
Binigyang diin ni Sr. Mananzan na mahalagang maging mapagmatyag ang lahat sa mga nagaganap sa lipunan lalo na sa paraan ng pamumuno ng mga bagong halala na opisyal.
“Dapat magmatyag tayo kasi I am very sure ipapalunok nila sa atin yung mga ayaw natin like yung death penalty they will try to do that, they will try to make Cha-Cha para mabigyan ng ownership ang foreign companies for our land and media etc., ipapasok nila yung federalism hindi naman alam ng tao kung ano yun. Ngayon kontrolado na nila ang Senado, nakakatakot yan kasi puwede nilang gawin ang gusto nila kung hindi natin ipapakita as mamamayan na tutol tayo dito…” pahayag ni Sr. Mananzan sa panayam sa Radyo Veritas.
Nauna nang nagpahayag ng panalangin ang Sanggunuang Layko ng Pilipinas na maging mabuting mga lider at pinuno ng bayan ang may higit sa 18-libong mga bagong halal na opisyal na iniluklok ng sambayanan sa katatapos lamang na midterm elections.
Samantala patuloy rin ang panawagan ng Simbahang Katolika sa mahigit 104 milyong mga Filipino na pagsumikapang mamuhay sa katotohanan at gamiting gabay ang salita ng Diyos sa pagsusulong ng makabubuti para sa bayan.