244 total views
Inaanyayahan ng mga Obispo ng Simbahang Katolika ang sambayanang Filipino maging Kristiyano, Muslim,Protestante at iba pang religious sector na manindigan at itaguyod ang buhay na sagradong regalo ng Diyos.
Hinikayat ng mga lider ng Simbahang Katolika ang mamamayan na makiisa sa “Walk for Life” na inorganisa ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na isasagawa sa ika-24 ng Pebrero 2018 sa Quirino grandstand o Luneta parade ground para labanan ang mga banta sa buhay tulad ng abortion, ejks, birth control, euthanasia, mga pagpatay sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga at death penalty.
Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle
— “Inaanyayahan po namin kayo sa isang napakahalagang event, Walk for Life, maglakad para sa buhay. At sa ating paglalakad, atin pong itataguyod ang napakahalagang regalo ng Diyos, ang buhay na kalimitan po ay hindi iginagalang.
Ang paglalakad ay sagisag ng buhay. Lumakad po tayo para po sa mga tao, kapatid natin, na ang buhay ay nagkakaroon po, hindi lamang ng problema kundi ng mga banta.
Walk for Life. Ito po ay magaganap sa February 24, 2018 mula alas-kwatro ng umaga hanggang alas-otso ng umaga, sa Quirino Grandstand. Tayo na po. Tumayo, maglakad, Walk for life.”
Lipa Archbishop Gilbert Garcera
Chairman CBCP Episcopal Commission on Family and Life
— “Sama-sama tayong sumuporta sa Walk for Life. Mahalaga ang buhay alagaan natin.”
Bishop Dennis Villarojo
Auxiliary Bishop Archdiocese of Cebu
— “Sumuporta sa buhay mula sa panginoon, bigay ng panginoon bigyan ng halaga ang buhay maging ang buhay ng kapwa upang maangkin ang kahalagahan ng buhay.”
Bishop Crispin Varquez
Diocese of Borongan
— “Sama-sama tayong sumuporta sa Walk for Life ngayong taon. Sana ang ating pakikiisa sa Walk for Life tayo rin ang nagpahayag ng mabuting balita ng Panginoon na igalang at ipagtaguyod ang pagkasagrado ng buhay na biyaya ng Diyos sa bawat isa sa atin.”
Archbishop Rolando Tria Tirona
Archdiocese of Caceres
Chairman-CBCP/NASSA-Caritas Philippines
— “Sama-sama tayong sumuporta sa Walk for Life. Huwag niyo pong kalilimutan na ang buhay ay isang paglalakbay at paglalakbay natin ay magiging makabuluhan lamang kung tayo ay may damdamin na ang bawat buhay ay mula sa Panginoon na dapat nating payamanin sa pamamagitan ng ating pagmamahalan at pagtutulungan.”
Bishop Ricardo Baccay
Diocese of Alaminos
Chairman-CBCP Episcopal Commission on Bioethics
— “Sana suportahan ninyo ang Walk for Life”.
Bishop Jose Colin Bagaforo
Diocese of Kidapawan
— “Mahalaga ang buhay ng bawat tao. Sagrado ang buhay at ang buhay ay biyaya ng Diyos.”
Bishop Arturo Bastes
Diocese Sorsogon
Chairman-CBCP Episcopal Commission on Mission
— “Importante ang buhay. Ito ang unang dulot ng Panginoon para atin, kaya mahalaga ang buhay ng tao. Dahil si Kristong nagpadigdi sa sanlibutan tanganing ibigay ang buhay sa kabuuhan ng buhay, buhay na walang hanggan at maski na ang buhay dito sa sanlibutan. Kaya mahalaga sa ating pamahalaan na magrespeto sa buhay ng lahat ng mga tao, lahat ng mga Filipno. Wala sanang ejk, abortion, euthanasia, birth control na nakakasira sa buhay ng tao. Kaya tayong mga kristiyano, lalu mga katoliko na may importante na mensahe ang simbahan na sa panahon ngayon the critical time para sa buhay hindi lamang ang buhay ng tao kundi pati buhay ng kalikasan. Kung wala ang kalikasan, hindi naman mabuhay ang tao. Kaya ang lahat ng nilalang ng Diyos tulad kalikasan, mga tao, mga hayop at iba pa bigyan ng respeto dahil tayong lahat ay may kaugnayan”.
Bishop Reynaldo Evangelista
Diocese of Imus
Chairman ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs
— “Napakahalaga ng buhay. Ang buhay galing sa Diyos at Siya lamang ang maaring kumuha nito. Kaya alagaan natin ang buhay mula pa sa sinapupunan ng mga ina, ipaglaban natin ang buhay hanggang sa dulo ng ating buhay.Labanan natin ang pagsusulong ng death penalty sa ating bansa.”
Bishop Hubert Mylo Vergara
Diocese of Pasig
Chairman-CBCP Episcopal Commission on Social Communications
— “Alam natin ang kahalagahan ng buhay. Ang Diyos ang nagbigay ng buhay ito ay kaloob lamang kaya kailangan nating pangalagaan. Harinawa po ang ating pagsuporta sa pagkilos na ito ay maging daan para ang buhay mula sa sinapupunan mula sa huling sandali ng buhay ng tao ay mapangalagaan, bigyang halaga ng lahat lalung lalo na sa ating mga pamayanan.”
Bishop Roberto Mallari,
Diocese of San Jose Nueva Ecija
Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education
— “Sana pangalagaan natin ang sarili nating buhay, at bigyang halaga ang buhay ng bawat isa. Lalung lalu na ang buhay ng mga bata-mga anak natin, lalut higit ang mga buhay na nasa sinapupunan pa.”