202 total views
Hinimok ng kinatawan ng kanyang Kabanalan Francisco ang mga mananampalataya na ipagpatuloy ang pakikiisa sa mga programang kumakalinga sa mga nangangailangan.
Ipinaalala ni outgoing Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabrielle Giordano Caccia na ang paglilingkod sa mga nangangailangan ay naipapalaganap ng mga mananampalataya ang misyon ni Hesus.
“The works of Caritas is very important because it is the mission of Jesus, an expression of love,” pahayag ni Archbishop Caccia sa Radio Veritas.
Ayon kay Archbishop Caccia, ang pagkakaisa ng komunidad sa kabila ng magkakaibang pananaw at pananampalataya ay unang hakbang upang makamtan ang kapayapaan at mai-angat ang antas ng pamumuhay ng mga dukha.
“Hopefully everyone in the community will participate in sharing the Good News, I will always pray for the success,” giit ng Nuncio.
Pinangunahan ni Archbishop Caccia ang pagpasinaya sa Center for Resiliency,Empowerment and Integral Development o CREED ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines sa Tagaytay City.
Layon ng CREED na makapagsagawa ng mga pagsasanay upang mahubog ang kakayahan ng mga volunteer lalo na ang lahat ng Social Action Centers ng Simbahang Katolika sa maayos, mabilis at nagkakaisang pagsagawa ng relief at rehabilitation sa panahon ng sakuna.
Mayroon ding inaalok na short cources ang Caritas Philippines para sa iba’t-ibang gawaing panlipunan na mapapakinabangan ng bawat mamamayan.
Hiniling naman ng Papal Nuncio sa mananampalataya ang patuloy na panalangin sa panibagong misyon na ipinagkatiwala ng Santo Papa na maging Permanent Observer ng Holy See sa United Nation kahalili ng Filipinong si Archbishop Bernardito Auza na itinalagang kinatawan ng Vatican sa Spain.