829 total views
Ikinalugod ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagkakaisa ng mga Kristiyano sa hangaring isulong ang kabutihan ng nakararami.
Ito ang mensahe ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa ginanap na Ecumenical Prayer Service for Truth and Freedom nitong February 25 kasabay ng paggunita sa ika – 36 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
“All of them [Christians, evangelicals] positively responded to the invitation at ito yung kanilang expression of support para sa paninindigan ng CBCP tungkol sa historical significance ng EDSA People Power at sa ating paghahanda sa darating na halalan sa Mayo,” pahayag ni Bishop David sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ng pangulo ng CBCP na nagkaisa ang mga lider ng Kristiyanong komunidad sa kahalagahan ng pagbibigay ng moral at spiritual guidance sa kawang nasasakupan lalo na sa paghalal ng mga pinuno ng bayan.
Binigyang-diin ni Bishop David ang kahalagahan ng pagninilay sa wastong pagpili ng mga ibobotong kandidato batay sa katangiang taglay na naaayon sa katuruan ng Simbahan.
“Encourage intelligent conversations at ito yung tinatawag naming discernment na hopefully will lead to a consensus building for a more pro-active participation in the political life of society,” ani Bishop David.
Sa ginanap na pagtitipon muling ibinahagi ng obispo ang pastoral statement ng CBCP na ‘Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo (Juan 8:32)’ kung saan hinimok ang bawat mamamayan na manindigan at hanapin ang katotohanan sa gitna ng lumagap na kasinungalingan sa lipunan.
Panawagan pa ni Bishop David sa mamamayan lalo na sa mahigit 60-milyong botante ang matalinong pagpili para sa kabutihan ng bansa.
“Huwag na nating i-ugnay ang politics sa bad politics we have to be more involve in a positive kind of politics for the common good,” giit ni Bishop David.