189 total views
Hinihikayat ni Bayombong, Nueva Vizcaya Bishop Jose Elmer Mangalinao ang mamamayan na magpabakuna laban sa coronavirus disease.
Si Bishop Mangalinao, na siya ring Vice-Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Permanent Committee on Public Affairs ay nakumpleto na ang ikalawang dose ng Pfizer BioNTech COVID-19 vaccine nitong Hunyo 9, 2021.
Ayon sa Obispo, bukod sa wala itong naramdamang side effects matapos na mabakunahan, nagdulot ito ng tuwa at kapanatagan sa kanyang sarili dahil mayroon na itong proteksyon laban sa COVID-19.
“Sa awa ng Diyos ay wala namang after side effects maliban sa parang mabigat ang balikat kung saan in-injection’an. Pero pagkatapos nun ay wala akong naramdamang katulad nang sa iba,” pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, nagpapasalamat naman sa Diyos si Bishop Mangalinao dahil mababa ang bilang ng mga positibo sa COVID-19 sa lalawigan ng Nueva Vizcaya at Quirino.
Inihayag ng Obispo na marahil ito’y dahil sa malinis at maaliwalas na kapaligiran na nagdudulot ng sariwang hangin para sa mga residente na nakatutulong upang mapigilan ang paglaganap ng virus sa dalawang lalawigan.
“Napaka-pinagpala ng probinsiya ng Quirino at Nueva Vizcaya dahil napakaganda ng kapaligiran, ng kalikasan. Dahil dito ang hangin talaga ay sariwa, ang mga puno ay nagbibigay-lilim at linis sa hangin… Ito ang nagiging daan upang mapigilan ang pagdami ng infection sa coronavirus,” saad ng Obispo.
Unang inihayag ni CBCP-President Davao Archbishop Romulo Valles ang kahandaan ng mga Obispo sa bansa na magpabakuna upang magkaroon ng tiwala ang mamamayan sa vaccine campaign ng pamahalaan.
Sa tala ng Department of Health, kasalukuyang umabot na sa 1.28-milyon ang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan umabot na rin sa mahigit 22-libo ang mga nasawi.