182 total views
Malugod na inanyayahan ng Arsobispo ng Maynila ang mga mananampalataya na makiisa sa ikalimampung(50years) anibersaryo ng Radio Veritas 846.
Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, mahalaga ang pagdiriwang sapagkat ito ay nagpapatunay na mas pinalalakas ng Simbahang Katolika ang paghatid ng mga impormasyong may katotohanan at tagapagpalaganap ng mga Salita ng Diyos gamit ang media at makabagong teknolohiya.
“Mga Kapanalig inaanyayahan po namin kayo sa isang napakahalaga at espesyal na event ang golden anniversary ng Radio Veritas 846, sige po para tayo ay maging tagapagdala ng katotohanan sa ating mundo,” bahagi ng paanyaya ni Cardinal Tagle.
PAGBABALIK TANAW
Magugunitang 1958 nang magtipon ang mga delegado ng Conventus Episcopaum, Asiae-Autro-Orientalis sa seminaryo ng University of Santo Tomas at tinalakay ang pagtayo ng istasyon ng radio sa pamamahala ng Simbahang Katolika bilang pamamaraan ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita at katuruan ng Simbahan sa Silangang bahagi ng Asya at Oceania.
Ika – 11 ng Abril 1969 nang pormal na binuksan ang studio ng Radio Veritas sa Fairview Quezon City sa pangunguna ni His Eminence Antonio Cardinal Samore ang kinatawan ng Vatican katuwang ang noo’y Arsobispo ng Maynila na si Cardinal Rufino Santos.
Binisita naman ng Kan’yang Kabanalan Paul VI ang Radio Veritas noong ika – 29 ng Nobyembre 1970 kung saan binasbasan ang gusali at mga namamahala dito.
BAHAGI NG KASARINLAN SA BAYAN
Sa ilalim ng Batas militar ng administrasyong Marcos, nanindigan ang Radio Veritas sa pamamagitan ng pagpatuloy ng paghahatid ng mga balita sa mamamayan sa kabila ng mga panganib na kinakaharap ng mga mamamahayag.
Ika – 21 ng Agosto 1983 nang matapang na ibinalita ng Radio Veritas ang pagpaslang kay Senador Benigno Aquino Jr. na isa sa kilalang kritiko ng rehimeng Marcos at bukod tanging himpilan na umantabay sa libing ng yumaong senador kung saan milyun-milyong katao ang nakiisa at sumisigaw ng katarungan para sa bayan.
Ika – 22 ng Pebrero 1986, ang pinakamakasaysayang araw sa Pilipinas nang manawagan sa Radio Veritas si Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin sa mamamayan na magtungo sa EDSA upang makiisa at suportahan ang pagkilos laban sa administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at mapigilan ang karahasan.
Katuwang nina Minister of Defense Juan Ponce Enrile at Vice Chief of Staff Fidel Ramos, nagtipon ang mga Filipino sa naganap na EDSA People Power Revolution kung saan payapa ang naganap na pagkilos at naiwasan ang karahasan sa pamamagitan ng sama-samang pagdarasal.
50 – TAON NG PAGLALAKBAY
Kasabay ng pagdiriwang ng ikalimampung anibersaryo, tiniyak ng Radio Veritas 846 ang pagpapaigting sa mga programang makatutulong sa mamamayan na mahubog at mapalakas ang pananampalataya.
Bukod dito ay pinag-ibayo ng Kapanalig na himpilan ang pagkalap ng mga balita tungkol sa mga usaping panlipunan at tiniyak ang paglaban sa kumakalat na mga fake news sa lipunan sa paghahatid ng mga impormasyong nakabatay sa mga turo at dokumento ng Simbahan.
Bukod dito ay pinalalakas din ng Radio Veritas ang pamamahayag gamit ang makabagong teknolohiya sa pangunguna ng social media kung saan 60 porsyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ay aktibo sa paggamit ng internet.
Isasagawa ang pagdiriwang ng limapung taon ng Radio Veritas sa ika-10 ng Abril sa University of Sto.Tomas kung saan unang nagsahimpapawid ang Radyo ng Simbahan.
Ang ikalawang araw ng selebrasyon ay gaganapin sa Radio Veritas Asia studio sa Fairview Quezon City sa ika – 11 ng Abril.
Sa ika-21 naman ng Abril, ang Linggo ng Muling Pagkabuhay gaganapin ang grand anniversary celebration mula ala-una nang hapon sa Radio Veritas Asia sa pamamagitan ng banal na Misang pangungunahan ni Cardinal Tagle.