199 total views
Muling magsasagawa ng Expo ang Caritas Manila Segunda Mana simula bukas ika – 16 ng Nobyembre, 2018.
Ito ay pagpapatuloy pa rin sa kampanya ng Segunda Mana na makalikom ng pondo para sa mga estudyanteng scholar ng Caritas Manila sa ilalim ng Youth Servant Leadership Program na matulungang pinansyal sa kanilang pag-aaral.
Itatampok sa expo ang mga segunda manong produkto na donasyon mula sa iba’t ibang institusyon at indibidwal na ibebenta sa abot-kayang halaga.
Napapanahon ang Caritas Expo lalu’t ipagdiriwang ng Simbahang Katolika sa ika – 18 ng Nobyembre ang ikalawang World Day of the Poor kung saan tema ngayong taon ang “Listen to the Cry of the Poor” na tugma sa adhikain ng Segunda Mana na tugunan ang pangangailangan ng mga kabataang nais mag-aral ngunit walang sapat na kakayahang pinansyal.
Sa tala ng Caritas Manila – YSLEP, 5,000 mga mag-aaral sa buong bansa ang pinag-aaral sa kolehiyo at Tech Voc sa mga lalawigan, kabilang ang mga Muslim.
Nauna nang tiniyak ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas na mas pinalalakas pa ng Simbahan ang pagtulong sa mga nangangailangan sa lipunan upang maiangat sa karukhaan.
“Tuloy-tuloy ang ating pagtulong lalo na sa mga mahihirap. Lahat ng kikitain sa Segunda Mana ay itutulong natin sa mga estudyante ng YSLEP,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Nitong taon lamang ay matagumpay ang higit sa isanlibong kabataan na scholar ng YSLEP kabilang ang higit sa 700 kabataan na mula Tacloban at biktima ng bagyong Yolanda noong 2013.
Patunay lamang ito na kumikilos ang Simbahan at tumutugon sa pangangailangan ng kapwa partikular sa mga mahihirap na sektor ng lipunan.